ANG libreng Carpentry Training na kanyang kinuha ang nagmulat sa kanya upang higit niyang maunawaan na ang gobyerno ay hindi lamang para sa iilan kundi para sa lahat.
Ito ang napagtanto ni Mar Trinidad, 25, taga-Alegria, Surigao del Norte, isang katutubong Mamanwa, dating miyembro ng New People’s Army (NPA) at ngayo’y miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), matapos niyang sumailalim sa Carpentry and Masonry skills training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Taong 2016, 21-anyos noon si Mar nang mahikayat siyang sumanib sa NPA dahil ang kanilang lugar ay kabundukan, mahirap ang pamumuhay, at malayo sa kabihasnan. Madalas itong dinadalaw ng mga opisyal at tauhan ng NPA upang manghikayat ng mga residente partikular ang mga kabataan para sumanib sa kanilang kilusan.
Halos 2 taon umano siyang nabulag sa maling idolohiya na ipinamulat sa kanila ng NPA, “na ang pakikipaglaban sa gobyerno ang tanging paraan upang malutas ang dinaranas nilang kahirapan.” Aminado si Mar, na mali siya sa pagsanib sa mga elemento na komukontra sa gobyerno dahil “parang namumuhay kang walang mararating na tagumpay, at mamamatay sa walang saysay na pakikipaglaban.” Taong 2017, nagdesisyon siyang kumalas sa grupo dahil sa nararanasang hirap sa kabundukan.
Nagkataon naman na nagkaroon nang intervention ang gobyerno sa kanilang lugar sa pagtutulungan ng LGU ng Alegria at TESDA Surigao del Norte na nagsagawa ng Community Skills Training on Carpentry and Masonry. Lumahok si Mar sa nasabing skills training sa hangad nitong magkaroon ng hanapbuhay. Sa nasabing okasyon, inimbitahan siya na sumanib sa CAFGU at 2 taon na siyang naninilbihan sa gobyerno na dati nilang kalaban.
Malaki ang pasasalamat ni Mar sa suporta ng gobyerno sa pamamagitan ng ipinagkaloob na free skills training sa Carpentry ng TESDA sa ilalim ng temang “TESDA Abot Lahat” para sa mga nagbabalik-loob na mga rebelde upang magkaroon sila ng hanapbuhay para masuportahan ang kanilang pamilya.
“Malaking tulong talaga sa akin, dagdag hanapbuhay at kita para sa akin at sa pamilya ko. Magagamit ko sa paggawa ng sarili kong bahay at makatulong sa pamilya.”