(Ipagkakaloob ng gobyerno) CASH, HOUSING AID SA ‘EGAY’-HIT FAMILIES

NANGAKO kahapon si Presidente Ferdinand Marcos Jr. na magkakaloob ang pamahalaan ng cash assistance at housing materials sa mga residente na ang mga bahay ay winasak ni Super Typhoon Egay.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa kanyang pagbisita sa Ilocos Norte, kung saan nakipagpulong siya sa mga lokal na opisyal mula sa buong Ilocos Region para i-brief sa epekto ng bagyo sa lugar.

Sa televised situation briefing, iminungkahi ng pamangkin ng Pangulo na si Ilocos Norte Governor Matthew Manotoc na iprayoridad ang pamamahagi ng housing materials, at sinabing ito ang mas mabilis na paraan para

muling maitayo ang kanilang mga tahanan, at isunod na lamang ang financial assistance.

“We’ll do both,” sagot ng Pangulo.

“The reason that we give cash very soon after is because there are things that people need that are not included in the relief goods, for example medicines or baby care,” sabi ni Marcos.

Aniya, P10,000 ang ipagkakaloob sa mga pamilya na ang mga bahay ay partially destroyed, habang ang totally damaged homes at tatanggap ng P20,000.

Si PBBM ay unang bumisita sa Abra nitong Sabado bago bumiyahe sa Ilocos Norte. Ang dalawang lalawigan ay nasa ilalim ng state of calamity dahil sa super typhoon.

Sa kanyang pagsasalita sa mga residente sa Bangued town, tiniyak ni Marcos na kumikilos na ang mga opisyal upang maibalik ang basic services, kabilang ang suplay ng koryente.

“Maganda naman ang ugnayan ng national at local (officials), kaya sa palagay ko sa lalong madaling panahon, maibabalik na natin lahat ng serbisyong kinakailangan,” anang Pangulo sa pamamahagi ng government aid sa munisipalidad.

ULAT MULA SA CNN PHILIPPINES