(Ipaglalaban ng Kamara)P5.5-B PARA SA FUEL SUBSIDY, LIBRENG SAKAY

TINIYAK ni Speaker Martin G. Romualdez na ipaglalaban ng Kamara ang nauna nilang inaprubahang P5.5 billion na pondo para sa Fuel Subsidy at ‘Libreng Sakay’ programs at iba pa, na nasa ilalim ng panukalang P5.268 trillion na pambansang badyet para sa 2023.

Pagbibigay-diin ni Romualdez, ang nasabing mga programa ay kabilang sa itinuturing na “pro-people provisions” at malinaw na kailangan ito ng mga mamamayan.

Dagdag pa ng lider ng Kamara, ang ‘Pantawid Pasada’ ay ayuda sa mga drayber at operators kapag mayroong pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, habang ang ‘Libreng Sakay’ ay para maibsan ang araw-araw na gastusin ng mga commuter.

Sinabi rin ni Romualdez na ang Libreng Sakay program ng Department of Transportation (DOTr), katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ay nagsimula noong 2020 sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act at nagpatuloy naman noong 2021 hanggang ngayong 2022.

Nauna rito, sa naaprubahang 2023 General Appropriations Bill (GAB) ng Lower House, naglaan ito ng P5.5 billion para sa pagpapatupad ng Pantawid Pasada Fuel Program (P2.5 billion), P2 billion sa ‘Libreng Sakay’ at P1 billion naman para sa bike lanes construction.

Ang naturang P5.5 billion budget ay bahagi ng aabot sa P77 billion na institutional amendments na inilatag ng Kamara, na inaasahan ni Romualdez na susuportahan ng bicameral conference committee (Bicam).

ROMER R. BUTUYAN