(Ipinalabas ng DTI para sa mga magnenegosyo) P5.4-B NA PAUTANG SA P3 PROGRAM

Pera

MAY kabuuang P5.42 billion na pautang ang ipinalabas ng Department of Trade and Industry (DTI), sa pamamagitan ng financing arm nito na Small Business (SB) Corp., sa ilalim ng Pondo sa Pag-babago at Pag-asenso o P3 Program nito hanggang noong Hunyo 2020.

Sa technical report ng DTI sa Office of the President, nasa 150,320 individuals ang nabiyayaan sa micro-financing program ng pamahalaan na naglalayong magkaloob ng tulong pinansiyal sa mga Filipino na nais magsimula ng kanilang sariling negosyo.

Inilunsad ng DTI ang P3 Program noong 2017 sa layuning makaiwas ang mga Pinoy sa loan sharks tulad ng ‘5-6’ lending scheme.

Ang programa ay nagsimula na may P1 billion budget kung saan maaaring makautang ng mula P5,000 hanggang P200,000 na may interest rate na hindi hihigit sa 2.5 percent.

Isa rin ito sa mga inis­yatiba na inilatag ng DTI sa Marawi upang tulungan ang mga displaced resident at military personnel na naapektuhan ng  five-month battle sa lungsod noong 2017.

Ayon sa DTI, nasa P7.6 million ang ipinalabas sa 457 borrowers sa Marawi at P32.45 million sa wounded in action (WIA) soldiers, gayundin sa mga pamilya ng mga killed in action (KIA) sa Marawi siege.

Ang DTI ay nakipagpartner sa iba’t ibang microfinance institutions (MFIs) upang ilatag ang P3 Program, partikular sa rural areas.

Sa kasalukuyan, ang SB Corp. ay may 434 MFI partners at may MFIs na may nakabimbing aplikas­yon sa DTI upang ilunsad ang programa sa anim na lalawigan sa bansa. PNA

Comments are closed.