PINAGTATAKDA ni Quezon City Rep. Ralph Tulfo ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price ceiling sa school supplies.
Nangangamba ang kongresista na sa pagbabalik sa paaralan ng mga mag-aaral ay posibleng samantalahin ang pagtataas sa presyo ng school supplies, school uniforms at iba pang gamit sa pag-aaral.
Giit ni Tulfo, dapat ipatupad ng DTI ang regulasyon nito sa school supplies sa pagtatakda ng price ceiling bilang pangunahing produkto salig sa Price Act at Republic Act 7581.
Payo ng mambabatas sa DTI at maging sa lokal na pamahalaan na kung ngayon pa lang ay nakikita na nila ang nagbabadyang pagtaas sa presyo ng mga gamit sa pag-aaral, aksiyunan at agapan na ito upang hindi mahirapan ang mga magulang at mga estudyante.
Maaari aniyang kausapin ng DTI at ng LGUs ang mga manufacturer ng school supplies sa kanilang lugar para matiyak ang mababang presyo at matatag na suplay ng mga kagamitan sa paaralan.
Dagdag pa ng kongresista, hindi malabong maraming estudyante ang ipagpaliban ang pagbabalik sa paaralan kung magtataas sa presyo ng school supplies.
CONDE BATAC