ISA NA LANG SA LAKERS

LAKERS

NALUSUTAN ni LeBron James ang mabagal na simula upang tumapos na may game highs na 28 points at 12 rebounds, umiskor si Anthony Davis ng  22 at lumapit ang Los Angeles Lakers sa kanilang ika-17 kampeonato sa pamamagitan ng 102-96 panalo laban sa Miami Heat sa Game 4 ng NBA Finals noong Martes ng gabi sa Orlando.

Naitala ni James ang  20 sa kanyang mga puntos sa second half at nagdagdag ng walong assists sa gabing kinuha ng Lakers ang 3-1 lead sa best-of-seven series. Gumawa si Kentavious Caldwell-Pope ng15 points para sa Los Angeles, at nag-ambag si Danny Green ng10.

Nanguna si Jimmy Butler para sa Heat na may 22 points, 10 rebounds at 9 assists. Nagdagdag sina Tyler Herro ng 21 points at Duncan Robinson ng17. Nagbalik si Bam Adebayo mula sa dalawang larong pagkawala dahil sa neck/shoulder injury upang kumamada ng  15 habang nanatiling naka-sideline si  Goran Dragic sanhi ng foot injury.

Nakatakda ang Game 5 sa Biyernes.

Umangat ang Lakers sa 93-88 sa 3-pointer ni Caldwell-Pope, may 2:58 ang nalalabi. Makaraang hindi ma-beat ni Adebayo ang shot clock sa isang jumper, kumana si Caldwell-Pope ng isang layup sa kabilang dulo para sa pitong puntos na kalamangan.

Naisalpak ni Jae Crowder ang isang tres upang tapyasin ang deficit ng Heat sa apat, may 1:37 sa orasan, ngunit naitala ni Rajon Rondo ang kanyang unang bucket sa laro at sinundan ito ni Davis mula sa  3-point range upang selyuhan ang panalo ng Lakers.

Nahaharap sa five-point deficit sa pagsisimula ng fourth quarter, naitabla ng Miami ang iskor sa 83 sa layup ni Butler, may 6:27 ang nalalabi.

Disorganisado ang  Lakers sa pagsisimula ng third quarter bago naisalpak ni James ang isang 3-pointer para sa 55-54 bentahe. Ito ang nag-sindi sa 11-3 run  kung saan kundi man umiskor ay nagbigay ng assist si James sa bawat bucket ng kanyang koponan.

Umabot ang kalamangan ng Los Angeles sa  71-64 sa back-to-back threes nina Kyle Kuzma at Davis. Tinapos ng Lakers ang quarter na angat sa 75-70.

Naghahabol sa 27-22 matapos ang first quarter, sinimulan ng Heat ang second quarter sa 12-2 run upang kunin ang five-point. Naitabla ng Los Angeles ang iskor sa 39 sa tres ni Markieff Morris at lumayo sa 49-45 sa tres ni Alex Caruso, may 27.6 segundo ang nalalabi. Isang jumper ni Herro bago ang buzzer ang tumapyas sa deficit ng Miami sa break sa dalawa.

Comments are closed.