ISA NA LANG SA SIXERS

NETS VS 76ers

NAISALPAK ni Mike Scott ang isang 3-pointer, may 18.6 se­gundo ang nalalabi, upang iangat ang bumibisitang Philadelphia 76ers sa 112-108 panalo laban sa Brooklyn Nets at kunin ang 3-1 kalamangan sa Eastern Confe­rence opening-round playoff series noong Sabado.

Matapos ang defensive stop laban kay Jarrett Allen, naipasok ni Tobias Harris ang dalawang free throws, may 4.8 segundo ang na­lalabi, tungo sa panalo.

Nanguna si Joel Embiid para sa Sixers na may 31 points, 16 rebounds, 7 assists at 6 blocked shots.

Nagdagdag si Harris ng 24 points, habang nakalikom si Ben Simmons ng 15 points, 8 rebounds at 8 assists.

Nagbida si Caris LeVert para sa Nets na may 25 points habang gumawa sina Allen at D’Angelo Russell ng tig-21.

Sa Salt Lake City,  nagbuhos si James Harden ng 22 points, 10 assists at 6  steals upang pangunahan ang Houston Rockets sa 104-101 panalo kon-tra Utah Jazz  at kunin ang 3-0 bentahe noong Sabado ng gabi. Nakatakda ang Game 4 sa Lunes ng gabi sa Utah.

Nagdagdag si Chris Paul ng 18 points para sa Houston.

Umiskor si Donovan Mitchell ng 34 points upang pangunahan ang Jazz, habang nagdagdag sina Derrick Favors ng 13 points at Rudy Gobert ng 10 points, 8 rebounds, at 7 blocked shots.

Samantala, nagtala si Khris Middleton ng 20 points at 9 rebounds upang tulungan ang Milwaukee Bucks na maitakas ang 119-103  panalo kontra host Detroit Pistons noong Sabado ng gabi upang makopo ang 3-0 lead sa Eastern Conference first-round series.

Tumipa si Brook Lopez ng 19 points, 7 rebounds at 5 blocked shots at tumirada rin si Eric Bledsoe ng 19 points para sa top-seeded Bucks.

Nagposte si Ersan Ilyasova ng 15 points, nakalikom si  Giannis Antetokounmpo ng  14 points at 10 rebounds para sa kanyang ikatlong sunod na double-double sa serye, at nagdagdag sina Nikola Mirotic ng 12 points at George Hill ng 11.

Nagsalansan si Detroit’s  Blake Griffin ng 27 points, 7 rebounds at 6 assists sa loob ng 31 minuto sa kanyang unang appearance sa serye dahil sa left knee injury.

Nag-ambag si Andre Drummond ng 12 points at 12 rebounds para sa  Detroit,  na bumuslo lamang ng 38.5 percent mula sa field at naipasok ang 11 sa 36 3-point attempts.

Kumana naman si Nikola Jokic ng 29 points, humablot ng 12 rebounds at nagdagdag ng walong assists nang maitakas ng bumibisitang Denver Nuggets ang  117-103 panalo kontra San Antonio Spurs sa Game 4 upang maitabla ang Western Conference first-round playoff series sa 2-2.

Nakatakda ang Game 5 sa best-of-seven sa Martes sa Denver.

Nagdagdag si Jamal Murray ng 24 points para sa Denver.

Comments are closed.