IPINANUKALA ng National Food Authority (NFA) ang pag-angkat ng mahigit sa 330,000 metric tons (MT) ng bigas upang madagdagan ang buffer stock ng bansa bilang paghahanda sa mga kalamidad.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), inirekomenda ng NFA ang pag-angkat ng 330,000 MT ng bigas upang punan ang inaasahang kakulangan sa buffer stock ng bansa para sa relief operations ng iba’t ibang ahensiya sakaling magkaroon ng kalamidad ngayong taon.
Noong Huwebes ay sinabi ni Presidente Ferdinand Marcos Jr., na siya ring kalihim ng Department of Agriculture (DA), na “in good shape” o maganda naman ang kalagayan ng suplay ng bigas sa bansa, subalit ang buffer stock ng NFA ay kasalukuyang mababa at kailangang dagdagan upang maabot ang kahit siyam na araw na halaga ng buffer stock.
Gayunman ay sinabi ni PBBM na dapat bumili ang NFA ng buffer stock mula sa local farmers.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11203 o ang Rice Tariffication Law ay inalis ang regulatory at import licensing issuance functions ng NFA at binawasan ang mandato nito sa emergency buffer stocking ng bigas sa pagkuha lamang sa local farmers at pinayagan ang pribadong sektor na malayang mag-angkat ng bigas na papatawan ng taripa.
Subalit sa ilalim ng panukala ng NFA, ang rice importation arrangement ay isasagawa sa pamamagitan ng government-to-government transactions, maaaring sa pamamagitan ng Office of the President o ng designated agency nito.