(Isinusulong sa Senado) MABIGAT NA PARUSA SA MAGMAMALTRATO SA KASAMBAHAY

NAIS ni Senador Raffy Tulfo na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga mapagmalupit na employer.

Binatikos ni Tulfo ang matinding pagmamaltrato at pang-aabuso sa kasambahay na si Elvie Vergara ng kanyang amo mula sa Occidental Mindoro simula pa noong 2020.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights, iminungkahi ni Tulfo ang one-strike policy laban sa mga abusadong employer ng mga domestic worker at ang mas mataas na criminal liability para sa kanila.

Dagdag niya, ang dinanas ni Vergara ay dapat maging “wake up call” para sa Senado upang rebyuhin ang Domestic Workers Act at iba pang mga batas na nauukol sa mga domestic worker.

Giit ng senador, hindi ito ang unang pagkakataon na may kasambahay na naabuso. “Sa aking programa, hindi na bago ang mga kuwento ng mga kawawang kasambahay natin na inaapi.”

Sa kaso ni Vergara, inakusahan siya ng pagnanakaw ng P12,000 cash at relo, na nag-udyok umano sa kanyang amo na saktan siya. Dahil dito, siya ay tuluyang nabulag.

Sinabi ni Tulfo na ginagamit ng mga abusadong amo ang qualified theft bilang panakot sa mga kasambahay nila para huwag nang magreklamo sa mga abuso na nararanasan nila.

“I will pass a bill that will remove our kasambahays from the provisions of qualified theft,” sabi ni Tulfo.

Ipinaliwanag ni Tulfo na sa kasalukuyang batas, ang mga domestic worker ay pinapatawan ng parusang dalawang degree na mas mataas kaysa sa parusa para sa regular na pagnanakaw. Sinabi niya na ito ay “very discriminatory and anti-poor.”

“Alam ninyo ba ‘pag binasa mo itong batas na ito, ang tawag pa sa ating mga kasambahay ay domestic servant.

Napaka-makaluma na pag-iisip. Qualified theft should only punish those given clear trust and confidence with property of the owner,” ani Tulfo.

Samantala, bukod sa amo ni Vergara, sinabi ni Tulfo na dapat ding sampahan ng kasong kriminal si Chairman Jimmy Patal para sa dereliction of duty bukod pa sa serious illegal detention.

-LIZA SORIANO