BUNSOD ng patuloy na paglaganap ng cybercrimes na umabot sa nakaaalarmang 100 porsiyento ang pagtaas noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic at nambibiktima ng mga retiradong senior citizen, nais ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na ipursige ang pagkakaroon ng batas upang maprotektahan sila laban dito.
“Walang manloloko kung walang magpapaloko. At walang mabibiktima kung sila ay may alam sa mga istilo ng mga scammers,” sabi ni Estrada sa kanyang patutulak ng Senate Bill No. 671 na naglalayong magkaroon ng isang inter-agency centralized service upang masawata ang mga scammer na maisakatuparan ang kanilang modus sa pamamagitan ng pagpapakalat sa tuwi-tuwina ng mga impormasyon sa mga naglipanang ilegal na gawain sa mga senior citizen at kanilang mga pamilya pati na sa kanilang caregivers.
Binigyang-diin ni Estrada ang halaga ng pagkakaroon ng batas para mapangalagaan ang mga sektor na kadalasang nabibiktima ng mga kawatan dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman sa teknolohiya na sinasamantala ng mga sindikato gamit ang social media at online platforms.
Sa ilalim ng SBN 671 o ang Senior Citizens’ Fraud Education Act, ang Department of Trade and Industry (DTI) ang magiging lead agency at susuportahan ito ng Departments of Justice (DOJ) at Health (DOH), at ng Philippine Postal Corporation.
Ang nasabing mga ahensiya ang gagawa at magpapakalat ng impormasyon ukol sa iba’t ibang paraan ng pagsusumbong at pagrereklamo ng mga scam sa pamamagitan ng mail, telemarketing at internet.
Oobligahin din ang DTI na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) at Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pagsasagawa ng information dissemination campaigns, at sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), National Telecommunications Commission (NTC), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) sa pagbunyag ng iba’t ibang uri ng scam at cybercrimes.
Magkakaroon din ng isang website para makapagbigay ng mga kinakailangang impormasyon upang makatulong ang mamamayan sa pagtukoy ng mga scam na may kaugnayan sa financial products and services, mga instrumento sa pagpapautang at pamumuhunan, mga produkto ng insurance, text scams at iba pang mapanlinlang na aktibidad.
VICKY CERVALES