(Itinaas ng POEA) DEPLOYMENT CAP SA HEALTH WORKERS

HEALTH WORKER

MAGANDANG balita sa Filipino healthcare workers (HCW) na nais magtrabaho sa ibang bansa.

Tinaasan na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang annual overseas deployment cap sa newly hired healthcare workers.

Mula 6,500 ay ginawa na itong 7,000 simula pa noong nakaraang buwan.

Ayon sa POEA, ang pagtaas ng deployment cap ay may basbas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Kabilang sa mga trabahong tinaasan ang deployment ceiling ang nurses, nursing aides, at nurse assistants. Sa abiso ng POEA, ang mga nurse na nag-expire na ang visa noong Disyembre 31, 2021 ay bibigyan ng prayoridad.

Papayagan ding makaalis ang HCWs na nabigyan na ng Overseas Employment Certificates (OEC) o exit clearance.

Hindi naman kasama ang mga healthcare worker sa ilalim ng government-to-government labor agreements tulad ng sa Germany at Balik Manggagawa.

Ang  pagproseso at deployment ng HCWs  ay pansamantalang sinuspinde ng POEA Governing Board  noong nakaraang Nobyembre dahil naabot na ang annual deployment cap na 6,500 para sa taong 2021.

Iniutos ng pamahalaan ang pagpapatupad ng deployment cap sa healthcare workers upang matiyak ang sapat na bilang ng medical workers sa bansa habang may pandemya.