ITINAKDA ng Department of Agriculture (DA) ang suggested retail price (SRP) ng imported red onions sa P125 per kilo.
Epektibo ang SRP sa Miyerkoles, February 8.
Ayon kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, ang P125/kilo SRP ay nabuo matapos ang stakeholders meeting na dinaluhan ng mga importer, trader, at retailer.
“Doon po napagkasunduan na i-rerekomenda ang P125 per kilo for red onions na imported. Ito naman po ay inabprubahan na,” ani Evangelista.
Sinabi pa ni Evangelisra na iniuugnay rin nila ang mga retailer sa wholesalers ng imported red onions para malaman nila ang cost structure na kanilang ginawa nang sa gayon ay magabayan sila para sa pakikipagnegosasyon sa kanilang suppliers.
“At the same time, we have identified some suppliers who are willing to sell wholesale to retailers in compliance with the SRP,” dagdag pa niya.
Kabilang, aniya, sa mga salik na kanilang kinonsidera sa pagtakda ng P125 SRP para sa imported red onions ay ang importer’s price, kasama ang mga gastusin matapos ang landed cost na nasa P77 at ang wholesaler’s price.
Sinabi pa ng opisyal na lumapit na sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa Local Price Coordinating Council (LPCC) upang patulungin sa information dissemination at monitoring ng pagpapatupad ng SRP .
Nauna nang sinabi ng DA na may 3,500 metric tons ng imported onions ang dumating na sa bansa.