ISINUSULONG ni Senadora Nancy Binay ang isang panukala kaugnay sa paglikha at pagpapalit ng official seals at logos sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Binay, layunin ng kanyang inihaing Senate Bill No. 2384 na maamyendahan ang Republic Act No. 8491 at mapagtibay ang alintuntunin sa paglikha, modipikasyon at pagrerehistro ng official seals sa mga ahensiya ng gobyerno.
“Hindi po basta-basta ang rebranding at ang pagbabago ng logo. We need to ensure that official seals and logos convey national ideals and traditions that express the principles of sovereignty and national solidarity,” ani Binay.
Inihalimbawa ng senadora ang pagpapalit-palit ng seals o logo ng mga ahensiya, kabilang ang Philippine Eagle sa P1,000 perang papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Para kay Binay, sa kabila na may ginawang mga pag-aaral kaugnay ng rebranding o pagpapalit ng logo ay dapat na maging permanenteng bahagi ang National Historical Commission of the Phils. (NHCP) hinggil sa proseso ng redesign upang matiyak na akma at nasa ayos ang logo ng ahensiya ng pamahalaan kaakibat ang pagsang-ayon ng Kongreso bago ilabas sa sirkulasyon.
“Tinanggal na natin ang mga bayani sa ating pera. Parang sinasabi nating ‘our martyrs and heroes are no longer worth our money’. ‘Yung design ng pera hindi dapat BSP o Malacanang lang ang magde-decide. ‘Yung magpalit nga ng name ng school at kalsada kailangan may congressional imprimatur at NHCP approval dahil meron ‘yan relevance at implications sa culture at history, and there’s a higher purpose than just having the names changed.
Ganyan din sa ating legal tender—there’s a higher purpose to what image or content should be printed on notes and coins,” diin ni Binay.
-VICKY CERVALES