MAY bagong role ang magaling at award-winning actress na si Iza Calzado dahil siya ang co-producer ng MMFF entry na Culion.
Ayon pa kay Iza, sobra siyang na-in love sa script ng movie na isinulat ng multi-award winning screenwriter at Plaridel awardee na si Ricky Lee, kaya naman nagkainteres siya na iko-prodyus ito.
Sey pa niya, hindi ito ang unang pagkakataong na na-obsess siya sa ganda ng iskrip ng mga pelikulang ginagawa niya. Nangyari na ito sa Bliss na iprinudyus ng TBA Films at idinirek ni Jerrold Tarog.
Gusto rin sana niya itong iko-prodyus, subalit noong panahong iyon ay hindi raw open ang producers nito sa ganoong setup o arrangement.
Gayunpaman, hindi naman nagkamali ang kutob ni Iza dahil ang nabanggit na obra ni Tarog ang nagbigay sa kanya ng kanyang kauna-unahang international best actress award.
Taong 2017, nagwagi siya ng Yakushi Pearl Award for Best Performer sa 12th Osaka Asian Film Festival para sa kanyang pagganap sa nabanggit na psychological thriller.
Ngayong taon naman, balik MMFF si Iza sa Culion kung saan ginagampanan niya ang role ni Anna, isang babaeng biktima ng Hansen’s disease o ketong na ipinatapon sa leprosarium sa Culion noong 1940, panahon ng Commonwealth sa Pilipinas.
Tulad ng Bliss, passion project daw niya ito kaya nagpapasalamat siya sa producers nitong sina Gillie Sing at Shandii Bacolod na nabigyan siya ng pagkakataong iko-prodyus ang pelikula.
“When I saw the material, and I read the script na sinulat ni Ricky Lee . Sabi ko kina Shandii and Alvin Yapan, you think, this arrangement is possible? I’m thankful that we have very generous producers and super easy to talk to kaya nabigyan ako ng pagkakataon. So siyempre, when you believe in the material enough, you know also you’ll play a big part in it,” paliwanag niya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nag-prodyus si Iza. Kasama ang kanyang mga naging co-stars noon sa Encantandia, iprinudyus niya ang digital movie na “Mystified.
Paliwanag ni Iza, hindi raw pala ganoon kadali ang magprodyus ng pelikula.
Bukod sa kailangang mahaba ang pisi, importante raw na may mga katrabaho kang hands on at may malasakit at nakatutok talaga sa proyekto.
Samantala, hindi pa man nagsisimula ang ika-45 na edisyon ng MMFF, marami na agad ang pinagsasabong sila ni Judy Ann Santos na bida sa pelikulang Mindanao na entry din sa inaabangang piyesta ng pelikulang Pinoy.
Lalo pang na-hype ang kanilang kompetisyon nang manalo si Juday ng best actress award sa katatapos na Cairo International Film Festival para sa kanyang pagganap sa nasabing pelikula ni Brillante Mendoza.
“Actually I’ve been meaning to address something for quite some time. Ever since Culion was voted to be part of the MMFF, but first I would like to say that I’m very, very happy for Juday. I sent her a message the moment I saw it. Sabi ko pa nga sa kanya, ‘It’s about time ba makilala ng buong mundo at makita ang mga mata ni Mara,’”paliwanag niya.
Sey pa niya, deserved daw naman ni Juday ang kanyang pagkapanalo.
“Kasi napakatagal na niya sa industriya. Actually siya yung iniidolo ko talaga. So in terms of respect and love, not only for Judy Ann as the actress but Judy Ann as the woman and the human being, I really look up to her. So to even just be in the same league, like if I were nominated next to her, masaya na. In terms kasi of this whole thing, ang tagal ko na kasing hindi nag-MMFF. At saka sa totoo lamang, this is the first time that I am the lead. Not a leading lady, the lead and a producer as well,” bulalas niya.
Hirit pa niya, ayaw din daw niyang isipin na kakompentensiya niya si Juday dahil bukod sa close friend niya ito at nakasama sa Mga Mumunting Lihim, malapit din daw ito sa kanyang manager na si Noel Ferrer na siya ring namamahala ng career ni Ryan Agoncillo, asawa ni Juday.
Tulad ng tagline ng Culion na “Dahil nakakahawa ang pag-ibig”, gustong na lamang ni Iza na mag-spread ng love at good at positive vibes this Christmas at apelang tangkilikin ang lahat ng pelikulang kalahok sa 2019 Metro Manila Film Festival.
Mula sa direksyon ni Alvin Yapan, kasama rin sa cast sina Meryll Soriano, Jasmin Curtis-Smith at Joem Bascon.
Kasama rin sa supporting cast sina Suzette Ranillo, Mike Liwag, Lee O’Brian, Joel Saracho, Simon Ibarra, Nico Locco, Upeng Fernandez, Mayen Estanero, Mai Fanglayan at ang Culion Kalinangan Ensemble.
Comments are closed.