JAMES BINITBIT ANG LAKERS VS PELICANS

NAGBUHOS si LeBron James ng season-high 40 points upang pa­ngunahan ang Los Angeles Lakers sa 118-109 panalo laban sa bisitang New Orleans Pelicans noong Martes ng gabi.

Tumipa si Anthony Davis ng 21 points, 14 rebounds at 6 blocks para sa  Lakers, na nanalo ng anim na sunod. Nag-ambag si Danny Green ng 17 points, habang umiskor si Kentavious Caldwell-Pope ng 15 points. Kumalawit din si James ng 8 rebounds at 6 assists.

Tumabo si Brandon Ingram, na kabilang sa ipinamigay ng Lakers para kay  Davis, ng 34 points at 7 rebounds para sa Pelicans, na 0-3 laban sa Lakers ngayong season.

Tumapos si rookie sensation Zion Williamson, nasa kanyang unang laro kontra Lakers, na may 29 points at 6 boards, habang nagsalansan si Jrue Holiday ng 11 points, 9 assists at 5 rebounds.

KINGS 112, WARRIORS 94

Nagpasabog si Buddy Hield ng tatlong sunod na 3-pointers sa pagsisimula ng fourth quarter upang tulu­ngan ang Sacramento Kings na gibain ang Golden State Warriors sa San Francisco.

Pinangunahan nina dating Golden State champion Harrison Barnes at De’Aaron Fox ang anim na Sacramento players na nagtala ng double figures na may tig-21 points habang nakopo ng Kings ang ikatlong sunod na panalo. Nagwagi rin ang Sacramento ng tatlong sunod laban sa Warriors, kung saan muli nitong naging sandigan ang dominasyon sa 3-point-shooting.

Tumapos si Hield na may limang 3-pointers sa 10 attempts, kung saan mag-isa niyang nahigitan ang kabuuang apat ng Golden State sa 28 na pag-tatangka.  Na-outscore ng Kings ang Warriors, 39-12, sa 3-point area.

Ang Sacramento ay may kabuuang 25 tres laban sa 11 ng Golden State sa unang dalawang panalo.

Nanguna si Marquese Chriss para sa Warriors na may 21 points.

BOSTON 118, BLAZERS 106

Naipasok ni Jayson Tatum ang career-high eight 3-pointers at kuma­mada  ng 36 points upang pangunahan ang Boston Celtics sa panalo laban sa Portland Trail Blazers.

Nagdagdag si Jaylen Brown ng 24 points at 7 rebounds para sa Boston na naitala ang ika-13 panalo sa huling 16 laro. Nag-ambag si Brad Wanamaker ng 13 points, gumawa sina Gordon Hayward at Marcus Smart ng tig-12 points, at nagposte si Daniel Theis ng 10 points at 9 rebounds.

Kumabig si CJ McCollum ng 28 points, 10 assists at 3 blocked shots, at kumamada si Hassan Whiteside ng 18 points at 19 rebounds para sa Port-land, na natalo sa ika-4 na pagkakataon sa limang laro. Nag-ambag si  Trevor Ariza ng 17 points at 8 rebounds habang nakalikom si Carmelo Anthony ng 14 points.

NUGGETS 115, PISTONS 98

Bumira si Jerami Grant ng career-high 29 points at nagdagdag sina Nikola Jokic at Jamal Murray ng tig-16 each nang pataubin ng host Denver Nuggets ang  Detroit Pistons.

Tumipa si Michael Porter Jr. ng 13 points para sa Nuggets,  na nanalo ng dalawang sunod.

Nakakolekta sina Derrick Rose at Christian Wood ng tig-20 points, umiskor si Brandon Knight ng 14, at nagdagdag sina Langston Galloway ng 12 at Tony Snell ng 10 para sa Detroit, na nalasap ang ika-7 sunod na kabiguan.

Sa iba pang laro ay pinaamo ng Oklahoma City Thunder ang Chicago Bulls, 124-122;  ginulantang ng Mil-waukee Bucks ang Toronto Raptors, 108-97; at tinambakan ng Indiana Pacers ang Charlotte Hornets, 119-80.

Comments are closed.