NASA bansa na ang Japan at Thailand at sinimulan na ang puspusang paghahanda para sa Week 2 ng Volleyball Nations League (VNL) na nakatakda sa June 14-19 sa Smart Araneta Coliseum.
Unang dumating ang Thailand noong Martes ng hapon, habang ang Japan ay nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Hindi makakasama ng Thais, na may matikas na Week 1 sa 3-1 win-loss record, tampok ang stunning five-set win kontra China sa Ankara, Turkey, si injured middle blocker Thatdao Nuekjang, subalit ang reigning Southeast Asian Games champions ay pangungunahan nina Pimpichaya Kokram at Ajcharaporn Kongyot.
Galing sa perfect 4-0 record sa Shreveport at Bossier City sa US, ang Japanese ay pangungunahan nina team captain Sarina Koga at Arisa Inoue para pangalagaan ang kanilang top ranking.
Bago ang kanilang unang training session sa PhilSports Arena nitong Miyerkoles, ang Thailand at Japan ay sumailalim sa antigen tests para sa COVID-19 at ang lahat ng team players at staff ay nag-negatibo sa virus.
Ang Canada ay darating sa Biyernes, na susundan ng China sa Sabado.
Kabilang din sa mga kalahok ang Tokyo Olympics gold medalist at three-time VNL titlist USA, Belgium, Bulgaria at Poland.
Makakaharap ng Thailand at Japan ang national team sa Sabado at Linggo, ayon sa pagkakasunod, sa side event na tinawag na Philippine National Volleyball Federation International Challenge ngayong weekend sa Filoil Flying V Centre.