JAZZ TINALUPAN NG PISTONS

NAGTALA si rookie Cade Cunningham ng career best na 29 points at humabol ang host Detroit Pistons mula sa 22-point deficit upang gapiin ang Utah Jazz, 126-116, nitong Lunes.

Naiposte ni Cunningham, ang top pick sa draft, ang lahat maliban sa lima sa kanyang mga puntos matapos ang halftime. Nagbigay rin siya ng walo sa 30 assists ng Detroit. Tumipa rin si Saddiq Bey ng 29 points, habang nag-ambag si Cory Joseph ng 16 points mula sa bench. Nagdagdag si Trey Lyles ng 14 points, 6 rebounds at 5 assists.

Nanguna si Donovan Mitchell para sa Jazz, na natalo ng tatlong sunod, na may  31 points. Kumubra si Hassan Whiteside ng  21 points at 14 rebounds, at nagdagdag si Jordan Clarkson ng 16 points.

Hindi nakapaglaro sa Utah ang limang players nito na nasa health and safety protocol ng liga, kabilang si starting center Rudy Gobert. Ginabayan ni Rex Kalamian ang Pistons makaraang pumasok si head coach Dwane Casey sa protocol.

TRAIL BLAZERS 114,

NETS 108

Kumana si Anfernee Simons ng 23 points at career-high 11 assists nang pataubin ng host Portland ang Brooklyn.

Nagdagdag si Robert Covington ng 21 points para sa Blazers na nanalo sa ikatlong pagkakataon sa limang laro at naglaro na wala si Damian Lillard (abdominal injury). Umiskor si Ben McLemore ng 20 points at naipasok ang dalawa sa kanyang limang 3-pointers sa huling 96 segundo.

Nakakolekta si Kevin Durant ng 28 points at 10 rebounds para sa Nets, na natalo sa ika-5 pagkakataon sa pitong laro. Nagdagdag si Kyrie Irving ng 22 subalit bumuslo ng 9 of 21 sa kanyang ikalawang laro sa season.

Ang unvaccinated guard ay maaari lamang maglaro sa road games dahil sa vaccine mandate ng New York.

CELTICS 101,

PACERS 98 (OT)

Tumapos si Jaylen Brown na may  26 points, career-high 15 rebounds at 6 assists nang dispatsahin ng host Boston ang  Indiana para sa kanilang ikalawang sunod na panalo at ika-4 sa anim na laro.

Isang floater ni Brown, may  2:34 ang nalalabi sa overtime, ang nagbigay sa Celtics ng kalamangan at na-outscore ng Boston ang visitors, 12-9, sa extra period. Kumabig si Jayson Tatum ng 24 points at 12 rebounds at nagdagdag si  Robert Williams III ng 14 points at 12 boards.

Kumamada si Domantas Sabonis ng triple-double na may 11 points, 23 rebounds at 10 assists para sa  Pacers, at tumipa si Torrey Craig ng 19 points mula sa bench. Nalasap ng Indiana ang ika-7 kabiguan sa walong laro.

Sa iba pang resulta: Cavaliers 109, Kings 108; Knicks 111, Spurs 96;Hornets 103, Bucks 99; 76ers 111, Rockets 91.