(Jeepneys binawalang mamasada sa GCQ) TRANSPORT GROUP PUMALAG

George San Mateo

MAARIING kinondena ng Pinag-isang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang pahayag ng DILG-DOTR-LTFRB na hindi nila  papayagan ang mga classic o tradisyunal na jeepneys na mamasada sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Sinabi ni Piston President Emeritus George San Mateo na ayaw silang payagan na pumasada dahil umano sa side-facing o harapan ng mga pasahero.

Subalit katwiran ni San Mateo, umano’y palusot lang  ng mga nasabing ahensiya dahil gusto nilang gamitin ang COVID-19 para ipatupad ang permanenteng phase out sa jeep sa kabila nang halos dalawang buwan nang gutom ang  mga jeepney driver at operators at kanilang pamilya dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Kinuwestyon din ni San Mateo ang pagsantabi ng gobyerno sa jeepneys sa ilalim ng GCQ.

“Bakit ayaw payagan ang jeepneys sa ECQ gayong magpapatupad naman ng 50 porsiyentong reduction ng pasahero at physical distancing, face masks, hand sanitizers sa ilalim ng GCQ?. Eh ‘di huwag pagharapin ang mga pasahero sa jeep tutal luluwag naman dahil nga sa reduced passenger volume na 50 porsiyento sa ilalim ng GCQ.” wika ni San Mateo.

Nirereklamo ni San Mateo na habang ayaw payagan ng gobyerno ang jeepneys sa ilalim ng GCQ subalit papahintulutan naman ng gobyerno na pumasada ang mga “modern jeep” na mini-bus na pag-aari at ino-operate ng mga korporasyon at kooperatiba na aniya’y isang diskriminasyon sa transportasyon.

Paliwanag pa nito na mawawalan din ng saysay ang passenger reduction at  physical distancing sa mga  airconditioned  modern jeep na mini bus, gayundin sa mga UV Express, taxis, bus, LRT, MRT, PNR na pawang mga airconditioned at kulob.

Ipinaliwanag ni San Mateo na ligtas ang jeepneys sakyan dahil ito ay open air o hindi nakukulob ang hangin.

Nangangamba si San Mateo na mgkakaroon ng malaking problema sa kakulangan ng masasakyan ng mga mananakay kapag hindi papayagan ng gobyerno na pumasada ang jeepneys.

Naniniwala pa si San Mateo na posibleng daanin ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng special permit ng LTFRB para malawakan nilang papapasukin ang mga modern jeepneys sa mga ruta. BENEDICT  ABAYGAR, JR.

Comments are closed.