MARAMI ang mga kasong nakatambak sa regional at municipal courts, patong-patong. Ito ang dahilan kung bakit mas madalas, napakabagal ng paggulong ng mga kasong nakasampa sa sala ng mga hukom dito.
Pero dahil nakikita natin ang kahalagahang mailagay sa tama ang usaping ito, ngayong 2021, sa bisa ng naaprubahang P4.5 trilyong national budget, may kaukulan nang pondo ang batas na nagpapatupad sa Judges-at-Large Act, gayundin sa judiciary marshal service.
Kabuuang P244.988 milyon mula sa national budget ang idinagdag sa pondo ng hudikatura para sa implementasyon ng RA 11459 o ang Judges-at-Large Act na isinabatas noong Agosto 13, 2019.
Tayo po, sa bahagi ng Senado ang tumayong principal author nito, habang si Speaker Lord Allan Velasco na-man ang principal author ng counterpart bill natin sa Mababang Kapulungan.
Nilalayon po ng batas na ito na mapagaan ang mga patong-patong na kasong dinidinig sa lower courts sa tulong ng mga tinatawag nating judges-at-large na tatayo bilang suporta sa mga hukom ng regional at municipal courts.
Dahil may kaukulan nang pondo ang pagpapatupad ng batas na ito, nangangahulugan na ang ating judges-at-large ay tatanggap din ng nararapat na suweldo, iba’t ibang pribilehiyo, emoluments, benefits, at rank and title tulad ng mga regular RTC at municipal judges.
Sa tulong ng dagdag na pondo sa hudikatura, maaari nang makapag-appoint ng hanggang 100 judges-at-large positions ngayong taon, bagaman sa isinumiteng National Expenditure Program (NEP) ng Malacanang noong nakaraang taon, wala silang ipinasok na probisyon na nag-aatas sa appointment ng judges-at-large.
Noong 2020, kung saan tuluyang ipinatupad ang Judges-at-Large Act, ang pondong inilaan lamang natin ay para sa 50 judges-at-large positions. Pero ngayong 2021, dinoble natin ang number of posts bilang pagtalima na rin natin sa kahilingan ni Chief Justice Diosdado Peralta.
Napakahalaga po na sa lalong madaling panahon ay masuportahan natin ang implementasyon ng Judges-at-Large Act. Sa pamamagitan po kasi ng batas na ito, masisiguro nating mas mapabibilis ang paggulong ng hustisya sa bansa. Kung mas marami ang appointed judges, mas marami ring kaso ang agad na mareresolba at mas magiging paborable ito sa mga korte. Kung dati, halos hindi na makahinga ang court dockets, ngayon, nakatitiyak tayo na mas mapagagaan na ang pagdinig sa mga tambak na kaso.
At bukod sa Judges-at-Large Act, dinagdagan din natin ng P50 milyon ang pondo para sa deployment ng judi-ciary marshals.
Batid naman siguro natin, ilang ulit nang nalagay sa panganib ang buhay ng ating mga hukom, marami nga sa kanila ay sinawimpalad na mamatay dahil sa krimen. At upang matiyak ang kanilang seguridad, kinakailangan ang judiciary marshals upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Isinama po natin ang pondo para rito dahil sa pakiusap pa rin ng ating hudikatura. Sunod-sunod na nga kasi ang mga natatanggap na pagbabanta sa buhay ng mga hukom at iba pang court officials.
Nakatakda po nating aprubahan sa Senado ngayong taon ang Senate Bill 1947 o ang panukalang Judiciary Marshals Act, kung saan, isa po tayo sa mga may-akda. Sa sandaling maisabatas po ito, magkakaroon ng sariling tanggapan ang judiciary marshals sa ilalim ng pangangasiwa ng Korte Suprema, at tatanggap ng kaukulang pondo sa ilalim ng taunang GAA.
Comments are closed.