JUETENG MULING UMARANGKADA SA QUEZON CITY, MAYOR BELMONTE, GEN. MONTEJO PINAKIKILOS

JUETENG-8

“Agarang aksiyunan ang jueteng sa Quezon City na umano’y ang mga bet collector ay tahasang lumalabag sa health protocol at at walang pakialam kung sila man ay maghasik ng coronavirus sa mga pamayanan na kanilang kinukolektahan ng taya,” pahayag ng bagong tatag na QC Advocates for Responsible Entertainment and Sports + Gaming and Wellness.

Ayon sa QCARES+GaW, apat na matataong lugar sa lungsod na isa sa pinakamaraming Covid-19 positives ang unang nilatagan ng ilegal na sugal ng grupo ng mga ilegalistang kinilalang sina Tepang, Lino at Pinong.

Sa sumbong na ipinarating sa QCARES+GaW ay kinilala rin ang dalawa sa maraming bet collectors na umiikot sa mga pamayanan ng barangays Balingasa, Masambong, Sauyo at Riverside na sina Amor at alyas Dong Buyer.

“Duda kaming hindi alam ni QCPD director Ronnie Montejo at Mayor Joy Belmonte ang panunumbalik ng jueteng sa lungsod, pero dapat nilang aksiyunan ang ilegal na ngang gawain ay matindi pang banta sa kalusugan at kaligtasan  ng mga residente ng lungsod,” pahayag ni Rey Briones, ang umaaktong presidente ng QCARES+GaW at kilalang personalidad sa gamefowl industry.

Ayon sa kanya ay madali lang masawata ang ilegal na sugal kung ipatupad lang ng hepe ng QCPD ang “one strike policy” ng Pambansang Pulisya na tila’y dinideda umano ng mga hepe ng police stations.

“Kadalasan ay opisyales lang ng istasyon ng pulisya ang kausap ng mga ilegalista kapag tipong guerilla-type operations ang latag ng jueteng… kaya sa nabanggit na mga lugar kung saan muling umarangkada ang ilegal na sugal ay ang hepe ng Station 2 na si Col. Richie Claraval ang maaring ipatawag ni Gen. Montejo,” sabi pa ng pangulo ng QCARES+GaW.

Ang sumbong pa sa naturang advocacy group ay nagsabing umiikot-ikot ang mga kubrador ng jueteng sa mga bahay-bahay nang walang face mask at wala ring dalang alcohol at sinasabi pang magkakaangkas pa umano sa mga motorsiklo.

Matatandaan na mariing sinabihan ni Mayor Belmonte si Gen. Montejo bago umupong hepe ng QCPD ang  huli na tiyaking masusugpo ng lokal na kapulisan ang mga umiiral na illegal activities sa lungsod, particular ang droga at jueteng at iba pang uri ng ilegal na sugal.

Comments are closed.