CAMP CRAME – TUMAAS ng 36 hanggang 38 porsiyento ang bilang ng mga kaso ng mga tiwaling pulis na natatanggap ng Internal Affairs Service ng Philippine National Police (IAS-PNP) ngayong taon.
Ayon kay Atty. Alfegar Triambulo, Inspector General ng IAS, matapos ang isinagawang integrity fun run ng IAS, mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, umabot na sa 2,291 na mga reklamo ang kanilang natanggap.
Mas mataas ito kung ikukumpara sa datos noong nakalipas na taon sa kaparehong buwan, na 1,683 lang ang mga naitalang reklamo.
Paliwanag ni Triambulo, kasama sa mga kaso na iniimbestigahan na nila ang mga pulis na nagpaputok ng baril, mga nasangkot sa ilegal na droga, mga lumabag sa karapatang pantao sa gitna ng police operation at mga nasangkot sa vote buying noong nakalipas na eleksiyon.
Gayunman, sinabi ni Triambulo na kahit na tumaas ang bilang ng mga hinahawakang kaso ay nanatili namang mataas ang ‘efficiency rate’ ng IAS.
Ngayong taon, mayroong 1,454 kaso ang kanilang naresolba kumpara sa 1,136 noong nakaraang taon.
Karamihan sa mga pulis na may kaso ay mga may ranggong patrolman o PO1. REA SARMIENTO
Comments are closed.