KAGAWAD SA KAWIT SAWI SA PAMAMARIL

BARIL 1

Isang Kagawad sa Baranggay San Sebastian, Kawit, Cavite ang patay sa pamamaril ng isang lalaking naka-motorsiklo noong umaga ng Pebrero 15, 2022.

Ayon sa police report mula sa Kawit MPS, ang biktima na si Crisanto Talaña Villanueva ay nasa harap ng kanyang tahanan noong ika-walo ng umaga nang may bumaybay sa kanya ang isa umanong asul na Yamaha Mio na lulan ang isang suspek. Pinaputukan ng dalawang beses si Villanueva gamit ang isang baril na may mababang kalibre. Matapos tamaan ang biktima, humarurot paalis ang suspek patungo sa direksyon ng Baranggay Alapan 2-A sa Imus, Cavite. Tinamaan sa mukha at dibdib ang si Villanueva.

Agarang itinakbo sa San Pedro Calunsod Hospital si Villanueva ngunit siya rin ay pumawaw noong alas nuebe ng umaga.

“Isa po si Konsi Cris sa mga kagawad na maaasahan dito sa amin,” sabi ni Kagawad Ehran Madlangbayan, presidente ng Association of Barangay Kagawads (ABAKA) kung saan magkasama sila ni Villanueva. “Wala rin po kaming alam na kinakaaway si Konsi Cris. Napakabait na tao. Nakakapanlumo po na siya’y wala na. Sana’y matulungan siya ng ating kapulisan at mahuli ang salarin,” dagdag ni Madlangbayan.

Ipinahatid ni Cavite District 1 Kongresman, at ngayu’y kandidato sa pagka-alkalde ng Kawit, na si Francis Gerald “Boy Blue” Abaya ang kanyang pakikiramay sa mga iniwan ng kagawad na napaslang. “Si Kagawad Cris po ay isa mabuting kaibigan at kasangga. Malaking kawalan siya sa kanyang pamilya at sa baranggay na kanyang pinagsisilbihan bilang kagawad. Kami po ay nalulungkot sa trahedyang ito at nakikiramay sa mga naulila ni Cris. Kami po ay handang tumulong sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya sa panahong ito,” ika ni Abaya. “Hindi rin po kami titigil hangga’t hindi nabibigyang hustisya si Kagawad Cris. Kami po ay laging makikipag-ugnayan sa Kawit MPS upang matunton ang salarin,” idinagdag ni Abaya.

Sa ngayun, pinaghahanap pa rin ng mga pulis ang suspek na nakasuot ng asul na jacket at maong na pantalon noong naganap ang insidente.