PINABULAANAN ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang mga paratang na ang kasosyo nitong State Grid Corporation of China (SGCC) ang may kabuuang kontrol sa mga operasyon nito.
Pahayag ito ng NGCP sa pagdinig ng Senate Committee on Energy na pinamumunuan ni Senador Raffy Tulfo kung saan tinanomg nito kung nababraso ng mga Tsinong kasosyo na nagmamay-ari ng 40% ng NGCP ang operasyon ng NGCP base sa kanilang posisyon sa board.
Nilinaw ni Atty. Cynthia Alabanza, pinuno ng Corporate Communications ng NGCP, na apat lamang ang mga Chinese sa kanilang lupon na may 10 miyembro at ang iba pang miyembro ng lupon, gayundin ang lahat ng iba pang staff ng buong kompanya ay Pilipino.
Nababahala naman sina Senador Tulfo at Sherwin Gatchalian dahil nakita nila ang isang probisyon sa mga patakaran ng NGCP na maaaring hindi matuloy ang pagtitipon-tipon ng lupon kung wala ang mga Chinese partner.
Tugon naman ni Alabanza na ito ay isa lamang kortesiya sa mga kasosyong banyaga at maaari lamang magamit ng dalawang beses.
“Wala pong basehan ang mga pagdududa ng mga Senador na mababraso ng mga Chinese boardmember ang mga Pilipinong mayoriya ng lupon,” ani Alabanza.
“Ang pinakamasamang magagawa lang nila, kung sila man ay mambabraso, ay ipagpaliban ang pagtipon ng board, at hindi nila ito maabuso. Ang mga apurahan at importanteng desisyon na maaaring tugunan ng presidente at CEO ng kompanya na isang Filipino. At kung kinakailangan, puwedeng pagtibayin ng board ang desisyon ng presidente at CEO,”pagbibigay-diin pa niya.
Nilinaw rin ng NGCP na ang 40% na pag-aari ng SGCC ay naaayon sa batas at kinakailangan dahil walang lokal na bidder na kayang punan ang mga technical requirement upang makamit ng NGCP ang mga layunin nito.
Magugunita na ang NGCP ang pumalit sa National Transmission Corporation (TransCo) noong minandato ng gobyerno na i-privatize ang grid operations sa bansa.
Ang SGCC ay lumahok at nanalo sa open bidding na naganap para maging foreign technical partner na pasado sa mga pamantayan ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
“Ang aming mga foreign technical expert ay naging kasosyo ng NGCP at alinsunod sa mga batas ng bansa. Sila ay nagbibigay lamang ng technical assistance at paggabay. Hindi sila mga ‘executive’ o ‘managing officer’ ng NGCP,” sabi ni Alabanza.
Inakusahan din ni Tulfo ang NGCP sa kanilang “underspending” o hindi palaan ng tamang budget para sa pagpapabuti ng serbisyo.
Agad naman itong kinontra ni Alabanza, at sinabing mahigit P 300 bilyon na ang nagagastos ng NGCP sa imprastrakturang pangtransmisyon mula noong 2009 at mas malaki rin ang kanilang nailabas kumpara sa mga investment ng gobyerno.
“Mananatili kaming mapagtugon sa mga hamon ng industriya ng enerhiya. Pagdating sa ating imprastrakturang pangtransmisyon, kami po ay nangangakong makikipagtulungan upang makahanap at makagawa ng mga solusyon,” giit ni Alabanza.
-VICKY CERVALES