BAGAMA’T nakabakasyon at umiiral ang novel coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, hindi huminto ang 301-strong members ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na gawin ang kanilang trabaho kung saan ang 27 standing comittees at apat na special committees nito ay nakapagdaos ng kabuuang 123 hybrid at virtual meetings o mga pagdinig.
Ito ang labis na pinagpapasalamat sa kanyang mga kasamahang mambabatas na iniulat ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez kung saan pangunahing tinalakay sa mga nasabing House hearings ay ang pagsusulong ng legislative agenda ni Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte.
Base sa datos na isinumite sa kanya ng House Committee Affairs Department (CAD), sinabi ni Romualdez na ang 31 house panels ay nagkaroon ng 92 regular committee hearings, 26 technical working group (TWG) meetings, apat na executive hearings, at isang occular inspection mula noong Hunyo 6 hanggang Hulyo 24.
Matatandaan na bago ang ‘adjournment sine die’ ng Kamara noong Hunyo 5, inaprubahan nito ang mosyon ng House Majority Leader na pagbibigay ng kapangyarihan sa lahat ng standing at special committees na magdaos ng public hearings at legislative inquiries kahit sila ay naka-session break.
Ayon kay Romualdez, kabilang sa mga mahahalagang natalakay at nabigyan ng aksiyon sa naturang mga pagdinig ay ang kinukuwestiyong pagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP); ang dumagsang mga reklamo sa pagtaas sa bayarin sa koryente sa panahong umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) at general community quarantine (GCQ); renewal ng ABS-CBN franchise; mga panukalang batas sa pagbibigay ng hazard pay, special protection, at iba pang mga benepisyo para sa medical frontliners; pagkakaloob ng tulong at suporta para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na naapektuhan ng pandemya; ang panukalang “Build Back Better: Economic Resilience After COVID-19” program; pagtulong sa overseas Filipino workers (OFWs) at gayundin sa agricultural sector at maraming iba pa.ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.