(Kahit sigurado na sa overall crown) PH HUMAKOT PA NG GINTO

Gold Medal

BAGAMA’T sigurado na ang overall championship sa 30th Southeast Asian Games ay hindi pa rin nagpaawat ang Team Philippines sa pag­hakot ng ginto sa penultimate day ng biennial meet kahapon.

Isang araw na lang ang nalalabi bago tulu­yang magtapos ang 11-araw na kompetisyon,  ang Filipinas ay nakako­lekta ng 148 gold, 116 silver at 119 bronze me­dals para sa kabuuang 383 medalya hanggang alas-8:39 kagabi. Malayong pumapangalawa ang Vietnam na may 95- 85-103, sumusunod ang Thailand na may 91-99- 122.

Pinangunahan ni Brazil Olympian at London World Athletics veteran Eric Shawn Cray  ang gold medal haul ng host country sa huling araw ng kompetisyon makaraang madepensahan ang kanyang titulo sa men’s 400m hurdles upang makabawi sa kanyang disqualification sa men’s 100m dahil sa false start sa heats.

Ang Olympian ay naorasan ng 50.21 seconds upang kunin ang ginto, habang pumangatlo si Francis Medina na may 51.68 seconds para sa bronze para sa Filipinas.

Naisubi rin ni Cray ang gold medal sa 4X100m mixed relay nang pangunahan ang Philippine team sa panalo.

Nakopo naman ni Aries Toledo ng host country ang pagkilala bilang ‘strongest man’ sa rehiyon kasunod ng kanyang panalo sa men’s decathlon sa New Clark City.

Nakalikom si Toledo ng 7033 points upang gapiin sina Van Su Bui ng Vietnam (6911) at countryman Janry Ubas (6769).

Tinapos naman ng Philippine national team ang final day ng jiu-jitsu competition sa pagkopo ng dalawang gold medals sa LausGroup Event Center sa Pampanga.

Nanalo si Adrian Guggenheim sa pamamagitan ng submission laban kay Willy Willy ng Indonesia sa men’s 77kg para sa gold. Nakuha rin ni Annie Ramirez ang medalyang ginto kontra Cassandra Poyong ng Malaysia, 3-0, sa women’s 55kg.

Muli ring nanalasa ang Pinoy shooters nang asintahin ng trio nina Eric Ang, Carlos Carag at Alexander Topacio ang gold medal sa pagtala ng 338 sa men’s trap team event.

Samantala, ginapi ni Caviar Acampado si Singapore’s Thomas Kopankiewicz sa Starcraft II, 4-1, upang ibigay ang ikatlong gold medal ng Filipins sa esports.

Ang Philippine national esports team, na kilala bilang Sibol, ay nakakuha na ng gold medals sa Mobile Legends: Bang Bang event at sa DOTA2 category.

Nagdagdag din ang Philippine men’s soft tennis team ng isang ginto sa tally ng host country.

Naungusan ng men’s home squad ang Thailand, 2-1, upang kunin ang gold sa men’s team event.

Humabol din si Gina Iniong ng isang gold medal sa kickboxing nang dispatsahin si Apichaya Mingkhwan ng Thailand, 3-0,  women’s 55kg kick light final.

Nakopo naman ni Karol Maguide ang bronze medal sa men’s 51kg full contact. CLYDE MARIANO

Comments are closed.