Late 80s pa nang magtungo si Ma. Victoria Balani Arellano-Valaristous upang magtrabahobilang domestic helper. Ang plano lang sana niya ay magtrabaho ng dalawang taong, tulad ng nakasaad sa kontratang kanyang pinirmahan. Gusto lamang sana niyang nakaranas lumabas sa Pilipinas — experience ba!
Ngunit bago natapos ang kontrata, nakilala niya si Milthos — Milthiades Valaristous, isang Greek national. At kumatok ang pag-ibig. Naiba ang plano, at ang dalawang taong kontrata ay na-extend indefinitely.
Hindi naging madali ang kanilang relasyon, lalo pa at iginiit ni Milthos na ilihim ito. Sa loob ng mahigit 15, patago silang nagkikita. Nawalan na ng pag-asa si Vicky dahil napakatagal na niyang naghihintày. Nagpasiya siyang umuwi na sa Pilipinas dahil sa tingin niya’y walang mangyayari sa kanyang paghihintay. Ngunit marahil, hindi na rin sanay si Milthos na wala si Vicky kaya nagpasiya silang magpakasal, na biniyayaan naman ng isang napakagandang anak na babaeng tinawag nilang Mara.
Wala na sanang mahihiling pa si Vicky ngunit biglang nagkasakit si Milthos at sumakabilang buhay. Naiwang sa kanya ang walong taong gulang noong si Mara. Sino ang mag-aakalang magiging single parent siya sa ibang bansa?
Napakasakit mawal-an ng minamahal, ngunit “life must go on” alang-alang sa kanilang anak, ang nag-iisang alaala ng pag-ibig na kaytagal niyang hinintay ngunit agad na binawi ng Maykapal.
Ngayon ay 16 years old na si Mara at ipinagmamalaking niyang Filipina ang kanyang ina. Spitting image siya ni Milthos, liban lang sa hindi siya nagsusuot ng eyeglasses. Namana rin niya ang talino ng kanyang ama. Nakapasa siya sa Pantheos University at mag-aaral na sa kolehiyo. Pangarap niyang mabigyan ng magandang buhay si Vicky kapag may maayos na siyang trabaho.
“Pinoy po ako,” aniya sa matatas na Tagalog.
RLVN