KAILANGANG ISAALANG-ALANG NG MAGULANG NGAYONG TAG-ULAN

WALANG ibang inaalala ang mga magulang kundi ang kabutihan at kaligtasan ng kanilang mga anak. Halos ayaw nilang padapuan ng lamok. Hindi mapakali sa tuwing magkakasakit ang mga anak. Ayaw na ayaw rin ng mga magulang na nawawalay sa pa­ningin nila ang kanilang mga anak.

Hindi madali ang magpalaki ng mga bata. Ang kaligayahan sa pagkakaroon ng anak ay la­ging may kasamang hirap. Pero sa kabila ng hirap at takot na nakakasalamuha ng mga magulang sa tuwing magkakasakit o kahit na ang madapa at magalusan ng kaunti ang anak, hindi pa rin nawawala ang kaligayahan sa kanilang mga puso sa napakagandang biya­yang ibinigay sa kanila. Kasama nga naman ng pagiging magulang ang takot, lungkot, hirap at kaligayahan.

Maraming magulang ngayon ang nag-aalala para sa kanilang mga anak lalo na’t walang tigil sa pagbuhos ang ulan. Bukod sa matindi ang traffic kapag tag-­ulan, kumukulog din, kumikidlat at higit sa lahat, bumabaha.

Kayhirap pa namang umuwi kapag malakas na nga ang ulan, traffic pa at bumabaha.

At dahil karamihan o lahat ng magulang ay nag-aalala sa kaligtasan ng kanilang mga anak, narito ang ilang tips na kailangang isa­alang-alang para maging healthy ang bawat bata sa kabila ng maulan at mamasa-masang paligid:

PAGDALAHIN NG PANANGGA SA ULAN AT LAMIG

TAG-ULAN4Sa tuwing aalis ng bahay ang mga bata o kahit na sinong mi­yembro ng pamilya, palaging ipa­alala ang pagdadala ng payong, kapote at ma­ging jacket. Ngayong tag­lamig, napakaimportante ng pagdadala ng panangga sa ulan at lamig na dala nito para maiwasan ang pagkakasakit.

Kaya sa tuwing aalis ng bahay ang mga anak, palaging ipaalala ang kanilang pangga sa ulan at lamig.

Maaari rin silang pagdalhin ng scarf at sombrero o kaya naman, ekstrang damit para may maipampalit sila sakaling mabasa sila ng ulan.

PALIGUIN KAAGAD KAPAG NABASA NG ULAN

May ilan sa atin na kapag nababasa ng ulan, kinatatamarang maligo dahil nga naman sa nadaramang lamig. Kaya ang ginagawa ng marami, nagbibihis na lang.

Kapag nababasa ng ulan o kahit na ang maambunan lang, kailangang paliguin kaagad ang mga bata o kahit na ang matatanda.

Kadalasan kasi ay nagiging sanhi ng pagkakasakit gaya ng sipon at lagnat ang pagkakabasa ng ulan.

Kaya naman, napakahalaga para maiwasan ang pagkakasakit kung maliligo kapag nabasa o naulanan. Makatutulong ang pagligo upang bumalik sa normal ang temperatura ng katawan matapos maulanan.

PAALALAHANAN ANG MGA BATA

Sa tuwing aalis ng bahay, palagi ring paalalahanan ang mga anak o bawat miyembro ng pamilya na mag-ingat lalo na kapag nasa kalsada o maging sa paaralan. Marami nga namang puwedeng mangyari sa atin sa labas lalo na kung madulas ang paligid kaya’t mabuti na iyong pinag-iingat natin ang ating buong pamilya.

Paalalahanan din sila na kapag umuulan ay iwasan o huwag na huwag maglalaro sa labas at tatapak sa baha.

Sabihan din silang huwag aalis ng eskuwelahan at magtutungo sa kung saan-saan lalo na kung maulan.

MALINIS NA PAGKAIN AT INUMIN

Kapag tag-ulan, maraming sakit ang puwedeng tumama sa kahit na sino.

Lalong-lalo na sa mga kinakain at iniinom natin. Kaya para mapanatiling ligtas ang bawat bata o kahit na sino sa atin, siguradu­hing malinis ang tubig na iniinom. Makabubuti rin kung pagbabaunin ng tubig ang mga bata sa tuwing aalis nang masigurong malinis ang iniinom nito. Sabihan ding huwag basta-basta iinom kung saan-saan.

Ugaliin din ang pag-inom ng maraming tubig.

Pakainin din ng masusustansiyang pagkain na isang susi para mapanatiling healthy at safe ang isang bata. Kaya naman, handaan sila ng masasarap at healthy na pagkain upang malabanan nila ang kung anumang sakit na nagbabadyang dumapo sa kanila.

Kung healthy rin ang kinakain ay maiiwasan ang pagkakasakit dahil makalalaban ang katawan sa virus o sakit na maaaring dumapo.

PANATILIHING MALINIS ANG KATAWAN

TAG-ULANPagiging malinis sa pangangatawan ang isang paraan upang mapanatiling ligtas ang bawat sino sa atin.

Kaya naman, huwag magpapabaya sa sarili. Panatilihing malinis ang pangangatawan sa kahit na anong panahon.

Sa tuwing aalis din ng bahay ang mga anak o kahit na sinong miyembro ng pamilya, pagdalhin ang mga ito ng wet wipes, alcohol o kaya naman hand sanitizer nang mayroon silang magamit para mapanati­ling malinis ang kanilang mga kamay.

Ang kamay pa naman ang isa sa parte ng ating katawan na mabilis kung marumihan kaya’t napakahalagang napananatili natin itong malinis nang makaiwas sa sakit.

Paalalahanan din ang mga batang huwag basta-basta hahawak sa kung saan-saan.

SUNDUIN O IHATID ANG MGA ANAK KUNG MALAKAS NA ANG ULAN

Kung sobrang lakas na ng ulan, huwag pababayaan ang mga anak. Makabubuti kung susunduin ang mga ito upang matiyak na hindi sila mapapa’no sa daan. Nakatatakot nga namang bumiyahe kapag ganitong maulan kaya’t dapat lamang nating unahin ang ating mga anak. Sunduin sila nang matiyak na maayos silang makauuwi ng bahay.

Sa pagpasok naman sa eskuwela, kung sobrang lakas din ng ulan at hindi naman suspended ang klase, makabubuti kung ikaw na mismo ang maghahatid sa kanila.

SIGURADUHING MALINIS ANG LABAS AT LOOB NG BAHAY

TAG-ULANIsa ang sakit na leptospirosis sa ikinababahala ng marami sa atin. Kahit nga naman sino, lalo na kapag hindi nag-ingat ay maaaring dapuan nito. Maraming lugar pa naman dito sa Metro Manila ang binabaha kaya kung minsan ay hindi natin maiwasan ang lumusong at mababad ang ating mga paa.

Pero hindi lamang din sa mga kalye maa­aring makuha ang nasabing sakit, kahit sa labas o loob ng ating bahay ay maaari tayong makakuha nito.

Kaya para maiwasan ito, panatilihing malinis ang loob at labas ng bahay. Linisin ang mga kanal sa palibot ng bahay para hindi pamugaran ng mga insketo.

Makabubuti rin kung maglalagay ng mga pamatay sa insekto sa palibot ng bahay nang hindi makapasok sa loob ang mga ito.

Siguraduhin ding malinis ang bawat lugar kung saan naglalagi o nagtutungo ang inyong mga anak.

Hindi maiwasan ang sakit kapag tag-ulan. Pero maraming pa­raan para maiwasan ito.

Kaya ngayon pa lang, mag-ingat na tayo. Alagaan natin ang ating sarili, maging ang pamilya. (photos mula sa google)  CS SALUD

Comments are closed.