KALIDAD NG TRABAHO BUMUBUTI – DOLE

DOLE

MAYNILA – MAS maraming Filipino ang nagkaroon ng trabaho at mas maraming manggagawa ang may matatag na trabaho ngayong 2018 kumpara sa nakalipas, ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Batay sa October 2018 Labor Force Survey (LFS) na isinagawa ng Philippine Statistics ­Authority (PSA), 826,000 trabaho ang nalikha noong 2018, kung saan ang kabuuan ay 41.150 milyong manggagawa ang may trabaho, mas mataas ng 2 porsiyento sa 40.334  milyong manggagawang may trabaho na naitala noong nakaraang taon.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, bumaba rin ng 140,000 ang bilang ng Filipino na walang trabaho, 5.3 porsiyento o 0.4 pagbaba mula sa 5.7 unemployment rate na naitala noong nakaraang taon.

Nakasaad din sa October 2018 LFS ang pagbuti sa kalidad ng empleo  dahil umabot sa 26.6 mil­yon ang remunerative at stable wage employment, kung saan 2.9 porsiyento o 743,000 wage employment kumpara sa parehong panahon ng 2017.

Tumaas din ng 4.7 porsiyento ang full-time employment, na umabot ng 29.3 milyon ng Oktubre 2018, mula sa 28.0 milyon ng nakaraang taon.

Nitong Oktubre 2018, naging regular ang 411,449 manggagawa dahil sa kampanya ng DOLE laban sa ilegal na uri ng kontraktuwa­lisasyon, 70 porsiyento sa mga ito ay boluntaryong na-regular samantalang 30 porsiyento ang naging regular dahil sa inspeksiyon. PAUL ROLDAN

Comments are closed.