KAHIT nasa ‘nationwide special non-working holiday’ ang bansa kahapon, sumabak pa rin sa trabaho ang mga kasapi ng majority bloc ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para talakayin ang prosesong susundin nila sa paghimay ng panukalang P4.1 trillion national budget para sa susunod na taon gayundin ang pag-aksiyon sa priority bills na inihihirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaprubahan.
Pinangunahan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang isinagawa nilang ‘majority caucus’, na idinaos sa SM Aura, Bonifacio Global City sa lungsod ng Taguig kahapon ng tanghali.
Sa kanyang FB live message, sinabi ng pinuno ng Kamara tungkol sa pagkakaroon nila ng pagpupulong sa panig ng mayorya ay isang ‘Work! Work! Work! para tumbasan ang “Jobs! Jobs! Jobs!” na kaakibat ng Build! Build! Build! Program ng Duterte administration.
“Habang ginugunita natin ang special occasion and holiday na sine-celebrate natin ngayon, ang mga kongresista po ay nand’yan, kahit holiday, nagtatrabaho lahat. We are about to start the majority caucus, ang pag-uusapan ay proseso ng budget at priority bills. Kasi sa Martes, holiday ulit sa Monday, may small group LEDAC. I-assure lang naming mga kababayan natin na ‘yung Jobs! Jobs! Jobs! na galing sa “Build, Build, Build’ ay tutumbasan ng Kongreso ng Work! Work! Work! So God bless you and ipagdasal n’yo rin ang Kongreso.” Ang kabuuan pa ng pahayag ni Speaker Cayetano.
Nauna rito, sinabi ng 1st Dist. Taguig City-Pateros congressman na magiging ‘speedy and record-breaking’ ang gagawin nilang pag-apruba sa 2020 national budget matapos na pormal na tanggapin nila ang kopya nito kay Budget Secretary Wendel Avisado kamakalawa ng umaga.
Ayon kay Cayetano, mabilis nilang maipapasa ang 2020 national expenditure program dahil inaasahan niyang hindi na magiging masalimuot ang kanilang isasagawang budget hearing lalo’t mismong si Pangulong Duterte na ang nagtiyak na magkakaroon ng patas at kaukulang budget ang bawat lugar sa bansa.
“This budget makes sure that each area in the whole country will have development funds. So no need na makiagaw o magkaroon CDF, PDAF or whatever you call it. Even if it was legal today, we all know that the Supreme Court has struck it down as unconstitutional. But even it was legal, there’s no need because the budget of the President is equitable.” Sabi pa ng speaker.
Sa panig ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez, inanunsiyo nito ang pagkakaroon ng lower house ng ‘marathon sessions’ kapwa sa committee level at plenary deliberation ng P4.1 trillion proposed 2020 national budget.
Mula sa kasalukuyang alas-3:00 ng hapon ay itatakda na sa alas-5:00 ng hapon ang sesyon sa plenaryo ng Kamara kung saan mayroong isasagawang dalawang budget hearings sa umaga at dalawa rin sa hapon mula araw ng Lunes hanggang Biyernes. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.