MAGSISIMULA nang umarangkada ngayong araw, Marso 29, ang panahon ng kampanyahan para sa lokal na halalan sa May 13 midterm elections.
Kasabay nito, kinumpirma naman ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na nagsasagawa na sila ng case build-up laban sa mga national candidate na nakagawa ng paglabag sa campaign rules.
“Certainly, building up of cases are going on all over the country, and yes, this is for national candidates,” ani Jimenez, sa panayam sa telebisyon.
Ayon kay Jimenez, target nilang makapaghain ng kahit isang kaso lamang sa bawat rehiyon, depende aniya sa dami ng mga ebidensiyang kanilang makakalap upang suportahan ang reklamo.
Kumpiyansa naman si Jimenez na may sapat silang ebidensiya upang panagutin ang mga national candidate na may nagawang paglabag sa pangangampanya.
“It depends on whether we have secured the necessary evidence. And I believe we have,” aniya pa.
Aminado naman si Jimenez na hindi nila kaagad maisasampa ang mga kaso dahil kailangan itong dumaan sa tamang proseso.
Bukod dito, abala pa rin aniya ang kanilang mga personnel sa paghahanda para sa araw ng halalan.
Matatandaang bago pa man magsimula ang panahon ng kampanyahan ay patuloy na pinaaalalahanan ng poll body ang mga national candidates na baklasin na ang kanilang mga campaign poster, na wala sa tamang lugar o common poster areas, at hindi tumatalima sa itinatakdang sukat.
Nagsimula ang panahon ng kampanyahan para sa national candidates noong Pebrero 12 habang ngayong araw, Marso 29, naman magsisimula ang campaign period para sa local candidates.
Pinaalalahanan na rin naman ng Comelec ang mga lokal na kandidato na baklasin ang kanilang illegal campaign posters, 72-oras bago umarangkada ang panahon ng kampanyahan.
Ang campaign period ay inaasahang magtatapos sa Mayo 11, o dalawang araw bago ang aktuwal na araw ng halalan sa Mayo 13. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.