SA KABILA ng kinakaharap ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic, hindi tumigil ang Bureau of Immigration (BI) sa kanilang kampanya laban sa human trafficking.
Giit ni Commissioner Jaime Morente na habang ginugunita ngayon araw ang World Day Against Trafficking in Persons, nananatili ang kanilang commitment sa pakikipaglaban sa human trafficking.
Sinabi ng komisyoner na hindi dapat maging kampante ang kanyang mga tauhan dahil walang pinipiling oras kapag umaatake ang human trafficking syndicate.
Nasa tabi-tabi lamang umano ang sindikato at naghihintay ng tamang panahon upang makapambiktima ng mga Filipino na nagnanais makipagsapalaran sa ibang bansa.
Inatasan ni Morente ang kanyang mga tauhan na maging alerto sa pag-screen ng departing passengers sa mga airport matapos alisin ang restriction sa mga outbound Filipino traveller.
Matatandaan noong nakaraang buwan ay nag-isyu ang US government na napanatili ng bansa sa loob ng limang taon sa Tier 1 sa ranking ng 2019 Trafficking in Persons.
Ang Tier 1 rating ng Philippine government ay nagpapatunay na nakamit ng bansa ang minimum standard sa pagsupil sa human trafficking.
Batay sa rekord ng BI, umabot sa 38,000 bilang ng pasahero ang hinarang sa airport ng kanyang mga tauhan dahil sa mga dispalinghadong mga dokumento.
Mahigit 400 pasahero na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking ang inendorso ng BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa Inter-Agency Task Council Against Trafficking. FROILAN MORALLOS
Comments are closed.