(Kapag hindi na-renew ang prangkisa) ABS-CBN SIGN-OFF NA

PING LACSON-1

AMINADO si Senador Panfilo Lacson na kung ang Konstitusyon ang pagbabasehan tulad ng mga naging pahayag ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Puno na kapag hindi na-renew ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN hanggang Mayo 4,  tiyak na hindi na eere ang naturang network.

Sa isinagawang Kapihan sa Senado, sinabi ni Lacson na wala na ring saysay ang concurrent resolution at ang joint resolution para bigyan ng provisional authority ang National Telecommunication Commission (NTC) upang makapag-isyu ng provisional to operate hanggat hindi pa nabibigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

Iginiit ni Lacson, malinaw sa desisyon ng Korte Suprema noong 2004 na hindi maaring mag-operate ang isang network kung walang prangkisa at hindi maaring maamiyendahan ang batas sa anumang resolusyon.

Kaugnay nito, tinanong si Lacson ng mga mamamahayag na bakit may mga pagkakataon na may pinayagan noon ang NTC na mag-operate habang hindi pa naiisyu ng Kongreso ang prangkisa.

Iginiit ng senador na hindi lahat ng naging practice ay maituturing na isang batas.

Aniya, malinaw sa batas na hindi na maaring mag-operate ang isang network kapag wala ng prangkisa.

Kung sakaling maipasa ito ng Kamara at maisu­mite sa susunod na linggo ay tinitiyak ni Lacson na may pag-asa na maaprubahan ang prangkisa dahil mismong ang senador ay boboto para sa renewal ng ABS-CBN franchise. VICKY CERVALES