KAPIT SA LIDERATO PAHIHIGPITIN NG FALCONS

UAAP SEASON 81

Mga laro ngayon:

(Smart Araneta Coliseum)

2 p.m. – AdU vs UST (Men)

4 p.m. – NU vs Ateneo (Men)

SISIKAPIN ng Adamson University na mapatatag ang kapit sa liderato sa pagsagupa sa mapanganib na University of Santo Tomas,  habang target ng defending champion Ateneo ang ikalawang sunod na panalo laban sa National University sa UAAP Season 81 men’s basketball tournament ngayon sa Araneta Coliseum.

Mapapalaban sa ‘mayhem’ system ni Aldin Ayo na ganap nang nagamay ng Growling Tigers, masusubukan ang pressure defense ni coach Franz Pumaren at mahaharap sa mabigat na laban ang Falcons sa 2 p.m. match.

“I think, right now, they (UST) are pretty confident after beating FEU,” wika ni Pumaren. “It’s a testament that any given moment, any given game, anybody can beat a particular team.  We practice hard for situations like this.”

Pinataob ng Adamson University, kasalukuyang nasa ibabaw ng standings, ang University of the East, 90-76, noong nakaraang Miyerkoles.

Ganap nang nakarekober mula sa nakagugulantang na season-opening loss sa Falcons, umaasa si Blue Eagles coach Tab Baldwin na makaulit ng panalo sa 4 p.m. encounter sa Bulldogs.

“We’re gonna get pressure from everybody. I think that’s the next challenge for this team — no matter what the conditions are and no matter who we play, to turn our practice effort into game performance,” ani Baldwin.

Naitabla ng Ateneo ang kanilang record sa 1-1 matapos ang 87-79 pagdispatsa sa University of the Philippines noong nakaraang linggo.

Ang impresibong performance  ng Falcons ay dahil sa pagsisikap ng kanilang mga lider na sina Jerrick Ahanmisi at Sean Manganti,  katuwang si Papi Sarr na nagtatrabaho sa shaded lane.

Nakopo ni Ayo ang kanyang unang panalo sa kanyang bagong tahanan nang sorpresahin ng Tigers ang Tamaraws, 76-74, noong nakaraang linggo.

Dahil dito ay maagang nakapasok ang UST sa win column, hindi tulad noong nakaraang  season.

Batid ni Baldwin na ang bawat makakaharap ng Eagles ay hindi basta titiklop sa kabila ng kanilang napakataas na tournament billing.

“That’s what our opponent ask of us — who are you? And when we give an answer like we give last week, then all of you people will label us losers, rightfully so,” pahayag ni Baldwin matapos ang kanilang panalo laban sa Fighting Maroons.

“When we give an answer like we gave today, we have a very good chance of you people labeling us as winners,” dagdag pa niya.

Sa kanilang panig ay umaasa naman ang NU na makababawi mula sa pagkatalo sa De La Salle, 76-80, noong Miyerkoles.