CAGAYAN – PATAY ang isang barangay kapitan habang sugatan naman ang kanyang tanod matapos na sila ay pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang dalawang salarin lulan ng isang motorsiklo, dakong alas-3 ng hapon sa Barangay Lallayug, Tuao.
Kinilala ni P/Major Reymund Assitores hepe ng Tuao Police Station ang biktima na si Orlino Gannaban, 59, chairman ng Brgy. Lallayug habang ang kanyang tanod na nadamay sa pamamaril na si Espidio Zingapo, 69, residente rin ng nasabing barangay ay sugatan at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP-Tuao, pasakay pa lang umano sa motorsiklo ang punong barangay para umuwi nang malapitang pagbabarilin sa mismong harap ng barangay hall ng dalawang salarin na lulan ng motorsiklo. Nagtamo ng tama ng bala mula sa kalibre 45 si Gannaban na ikinamatay nito at ikinasugat naman ng tanod na si Zingapo.
Ayon pa sa PNP Tuao, tumakbong sanggunian ng Tuao, Cagayan, ang biktimang si Gannaban nitong nakalipas na midterm election at natalo. Mahigpit umano itong kritiko ng kasalukuyang administrasyon sa bayan ng Tuao.
Samantala, blangko pa rin ang pulisya sa krimen at wala pang opisyal na pahayag ng motibo sa krimen.
Bukod sa mga hawak na witness ay nire-review na ng awtoridad ang CCTV footage sa lugar para matukoy ang pagkakakilanlan ng gunman. IRENE GONZALES
Comments are closed.