(Kasado na ngayong Martes) P1.10/L PRICE CUT SA DIESEL, P0.45/L SA GASOLINA

MAY rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes, Nobyembre 7.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at  Seaoil Philippines Corp. na bababa ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.45, diesel ng P1.10, at kerosene ng P1.05.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya,  maliban sa Cleanfuel, na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Oktubre 31, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P0.45 kada litro habang may rolbak naman na P1.25 sa presyo ng kada litro ng diesel at P1.20 sa kerosene.

Sa datos  ng DOE, hanggang Oktubre 31, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P14.20 kada litro, diesel ng P10.45 at  kerosene ng P5.04 kada litro.

LIZA SORIANO