(Kasado na ngayong Martes) P1.10/L PRICE HIKE SA GASOLINA

Gasolina

SA ikatlong sunod na linggo ay muling tataas ang presyo ng gasolina, habang may rolbak sa kerosene at walang magiging paggalaw sa diesel.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na simula ngayong Martes ay tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.10, habang may tapyas na P0.35 sa kada litro ng kerosene.

Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments, maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang price adjustments sa alas-6 ng umaga maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.

Noong nakaraang Martes, Mayo 23, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P0.80 kada litro at diesel ng P0.60 kada litro, habang ang kerosene ay tinapyasan ng P0.10 kada litro.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Mayo 23, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P5.00 kada litro, habang ang presyo ng diesel ay bumaba ng P5.05 kada litro at kerosene ng P6.40 kada litro.