SA IKALAWANG sunod na linggo ay may pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc. na tataas ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P0.80, diesel ng P2.70, at kerosene ng P2.90.
Magpapatupad ang Cleanfuel ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.
Epektibo ang price hike ngayong alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-4:01 ng hapon sa parehong araw.
Noong nakaraang Martes, Oktubre 11, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas ng P6.85, gasolina ng P1.20, at kerosene ng P3.50.
Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang Oktubre 11, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina, diesel at kerosene ay nasa P15.85, P35.80 at P26.75 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.