(Kasado na ngayong Martes)P3.40/L ROLLBACK SA DIESEL; P1.70/L SA GASOLINA

OIL PRICE HIKE-2

PANIBAGONG big-time oil price rollback ang sasalubong sa mga motorista ngayong Martes.

Sa magkahiwalay na abiso, sinabi ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Corp. na tatapyasan nila ang presyo ng kada litro ng gasolina ng P1.70, diesel ng P3.40, at kerosene ng P4.40.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na magrorolbak ng presyo sa alas-8:01 ng umaga sa kaparehong araw.

Ito na ang ika-4 na sunod na linggo na may rolbak sa presyo ng gasolina, at ika-8 sa diesel at kerosene.

Noong nakaraang Martes, Disyembre 6, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P1.95, diesel ng P1.90, at kerosene ng P1.65.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Nob. 29, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P16.90, diesel ng P29.90 at kerosene ng P24.90.