(Kasado na ngayong Martes)P3.95/L ROLLBACK SA DIESEL; P0.85/L SA GASOLINA

OIL PRICE HIKE-2

MAY panibagong rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula ngayong Martes.

Sa anunsiyo ng Pilipinas Shell Petroleum Corp., ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bababa ng P0.85, diesel ng P3.95, at kerosene ng P2.95.

Magpapatupad ang Cleanfuel at Petro Gazz ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na wala sila.

Epektibo ang bawas-presyo sa alas-6 ng umaga para sa lahat ng kompanya maliban sa Cleanfuel na mag-a-adjust ng presyo sa alas-12:01 ng umaga sa parehong araw.

Ito na ang ikalawang sunod na linggo na may rolbak sa presyo ng gasolina, at ika-6 sa diesel at kerosene.

Noong nakaraang Martes, November 22, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.40, diesel ng P2.15, at kerosene ng P2.10.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Nob. 22, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P17.75, diesel ng P33.85, at kerosene ng P27.85.