(Kasado na sa 13 rehiyon) WAGE HIKE SA KASAMBAHAYS

DOLE

MAY dagdag-sahod ang mga domestic worker or kasambahay sa 13 rehiyon sa bansa simula ngayong buwan, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Anim na rehiyon — Western Visayas, Ilocos Region, Cagayan Valley, Mimaropa, Cordillera Administrative Region, at Central Visayas — ang nagpatupad ngayong buwan ng bagong minimum salary na mula P4,500 hanggang 5,000.

Ang bagong minimum wage na P4,000 sa Bicol Region at P3,500 hanggang P4,500 sa Northern Mindanao ay epektibo sa Hunyo 18.

Sa Central Luzon at Davao Region ay ipatutupad naman ang bagong monthly minimum wage para sa mga kasambahay na P4,500 hanggang P5,000 at P4,500, ayon sa pagkakasunod, simula sa Hunyo 20.

Simula sa Hunyo 25, ang monthly minimum wage sa Zamboanga Peninsula ay magiging P3,500 hanggang P4,000.

Sa Eastern Visayas, ang monthly minimum wage na P4,500 hanggang P5,000 ay ipatutupad simula Hunyo 27. Nasa P4,000 naman ang magiging bagong monthly minimum wage sa Caraga simula sa Hunyo 30.

Sinabi ng DOLE na nagsasagawa pa ng public hearings ang wage boards sa National Capital Region, Calabarzon, at SOCCSKSARGEN sa mga kahilingang taasan ang sahod ng mga domestic worker.

Para sa wage hike ng mga kasambahay sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, sinabi ng DOLE na prerogative ng autonomous government na magpatupad ng sarili nitong salary hikes.