KASAPATAN SA PAGKAIN, MODERNONG ARIKULTURA ISUSULONG NG MGA INSENTIBO SA ILALIM NG CREATE ACT

TINIYAK ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, na maraming insentibo ang tatanggapin ng agrikultura sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na magiging daan para matiyak ang mababang presyo ng pagkain at mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Si Salceda ang pa­ngunahing may-akda ng CREATE. Sinabi niyang  masugid siyang nakikipagtulungan sa mga Kalihim ng Finance, Trade and Industry at Agrikultura para maisama ang ílang ‘critical Agriculture subsectors’ sa Strategic Investment Priorities Plan (SIPP), ang listahan ng nga industriyang karapat-dapat na tumangap ng mga insentibo sa ilalim ng naturang batas.

“Nitong nakaraang linggo, tinurol namin ni Agriculture Secretary William Dar ang ilang mga ‘sub-sectors’ na saklaw nila para maisama agad sa ‘transitional’ SIPP, na magiging batayan ng mga paunang insentibo habang ginagawa ang komprehensibong listahan ng mga dapat mabigyan ng akmang suporta nito,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Salceda na sa pamamagitan ng mga insentibo para sa mahahalagang sector ng industriya, “mapapababa ang gastos sa produksiyon at mapapasulong ang mo­dernisasyon ng agrikultura, na magpapababa naman sa presyo ng mga pagkain at katiyakan ng suplay nito. Ito ang positibong hakbang sa pagpapasigla ng agrikultura at produksiyon ng pagkain para huwag nang mag-importa sa ibang bansa.

Sa ilalim ng ‘transitional SIPP,’ na malapit nang pagtibayin ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB), tatanggap ng mga insentibo ang produksiyon ng pagkain ng pagsasaka. “Ang mabisang pagsasaka na napapanatili ang likas na kapaligiran, ‘biosecurity systems’ at iba pang makabagong teknolohiya sa agrikultura ay may karapatan sa mataas na insentibo sa buwis, dagdag niya.

Kapag naisama na sa SIPP ng CREATE ang mga ‘export-oriented agricultural enterprises’ ay bibigyan ng mga insentibo sa buwis hanggang 17 taon, kasama na ang 4-7 taong ‘income tax holiday (ITH)’ o libre sa pagbabayad ng buwis sa taunang kita ng kumpanya, at 10 taong ‘special corporate income tax (SCIT) privileges.’ Ang mga kompanya namang ang produksiyon ay para sa ‘domestic market’ lamang ay bibigyan ng 12 taong insentibo sa buwis kasama ang 4-7 taong ITH at 5 taong SCIT, at 5 taong dagdag sa bawas ng ba­yad-buwis para sa mga namuhunan ng hindi bababa sa P500 milyon.

Ayon kay Salceda na isang respetadong ekonomista, sadyang mahalaga at kailangan ang mababang presyo ng pagkain sa pagbangon ng ekonomiya at pagbawas sa kahirapan. Ito ang dahilan kung bakit masugid akong nakikipagtulungan sa mga opisyal ng Gabinete para tiyak na mapasulong ang agrikultura at makabangon ang bansa.

“Binibigyan ng prayoridad ang agrikultura sa ilalim ng CREATE dahil kulang na kulang ang pamumuhunan sa sector na ito kaya mada­ling magagamit at magpapasigla sa merkado ang mga insentibong pundong mapupunta sa sektor na ito. Ang magiging bunga nito ay mabilis na pagsulong ng lahat ng sector lalo na kung maaakit natin ang malalaling dayuhan at local na pamumuhunan,” dagdag niya.

Ipinaliwanag niya na ang agrikultura ang pinakamahalagang kalasag laban sa ‘inflation o paglobo ng presyo ng mga bilihin, at kahirapan. Sa kasalukuyang paraan ng pagpapakawala ng pondo sa merkado, na mababa ang interes, at iba pang ayudang bigay ng pamahalaan, tiyak na tataas ang ‘inflation’ at presyo ng mga bilihin kaya kailangang mabalanse ito ng mababang presyo ng pagkain.

Binigyang diin ni Saceda na ang inflation ang pinakamatinding banta laban sa pagbangon ng ekonomiya. “Kaya kung mapapanatili nating mababa ang presyo ng pagkain sa pamamagitan ng CREATE  matutulungan natin ang maraming Pilipino na huwag bumulusok sa kahirapan. Ganito lang kasimple ang ‘universal economic principle’ kaugnay nito,” patapos na paliwanag ni Salceda.