LAGUNA – PALUTANG-lutang na sa ilog nang matagpuan ang apat na taong gulang na batang babae makaraang mapaulat na nawawala noon pang Biyernes sa kanilang tirahan sa Apo Ville Subdivision, Sitio Alas-As, Bgy. Libis ng Nayon, bayan ng Mabitac.
Batay sa ulat ni P/Capt. Edwin Goyena, hepe ng pulisya, kinilala ang biktima na si Jessabelle Avengonza, anak ng mag-asawang Annabelle at Arnold.
Sa pagsisiyasat ni Goyena, bandang ala-1:00 ng hapon ay ini-report ng pamilya sa himpilan ang pagkawala ng kanilang anak matapos magpaalam na pupunta lamang ito sa kanilang comfort room habang abala naman sa pag-aayos ng module ang kanyang ina.
Makaraan ang ilang araw na paghahanap, hindi inaasahang bangkay na ang biktima nang matagpuan sa ilog bandang alas- 4 ng hapon noong Linggo na mahigit 200 metro ang layo mula sa kanilang tirahan.
Nabatid na naaagnas at walang saplot pang-ibaba ang nasabing bata na pinaniniwalang ginahasa muna bago inihagis sa ilog na taliwas sa ulat na nalunod ito.
Ayon sa kaanak ng biktima na si May Villanueva, hindi kayang maglakad at pumunta ng nag-iisa ng bata sa ilog dahil bukod sa malayo, may malalaking puno ng kahoy, masukal at maputik na sakahan.
Kaya’t nananawagan ng hustisya ang pamilya ng biktima habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa kaso. DICK GARAY
Comments are closed.