(Kiefer pumirma sa Japan B. League) ‘DI PUWEDE ‘YAN — PBA CHIEF

HINDI maaaring maglaro si Kiefer Ravena sa ibang liga habang may kontrata pa siya sa PBA.

Ito ang nilinaw ni PBA Commissioner Willie Marcial kasunod ng anunsiyo ng pagpirma ni Ravena sa  Japanese basketball team Shiga Lakestars.

Ayon kay Marcial, ang second generation cager ay may kontrata pa sa NLEX Road Warriors at ang hakbang ay isang paglabag sa Uniform Players’ Contract (UPC) ng liga.

“May kontrata pa siya sa NLEX,  so hindi talaga ‘yan puwede,” wika ni Marcial.

“As a commissioner, sinasabi ko, hindi ‘yan puwede kasi nasa UPC pa siya. May obligasyon siya sa NLEX.”

Si Ravena, 27, ay lumagda sa three-year contract extension sa Road Warriors noong Setyembre ng nakaraang taon.

Idinagdag ni Marcial na kailangan nilang mag-usap ni Ravena at ng NLEX management hinggil sa isyu.

“Mag-uusap kami about sa nangyayari and malamang, may consequences ‘to but tingnan natin. ‘Di ko pa masabi lahat ngayon kasi lately ko lang din nalaman,” ani Marcial.

Si Kiefer ay ikalawang  Filipino player na kinuha ng isang Japanese basketball team sa kanilang professional league, kasunod ng kanyang kapatid na si Thirdy, na naglalaro para sa San-En NeoPhoenix.

Si Kiefer ay may average na 19.3 points, 5.5 rebounds, at 4.6 assists para sa NLEX Road Warriors noong nakaraang PBA season. CLYDE MARIANO

Comments are closed.