(Kinumpirma ng UBRA)SHORTAGE SA SUPLAY NG MANOK

INAMIN ng United Broiler Raisers Association (UBRA) na may kakulangan na sa suplay ng manok sa bansa sa gitna ng napaulat na limitadong pagbebenta ng manok sa ilang fast food chains.

Sa panayam ng DWIZ, ikinumpara ni UBRA President Attorney Bong Inciong ang sitwasyon noong 2003 kung saan nagkaroon din ng shortage sa suplay ng manok sa mga palengke, fast food chains at institutional buyers.

Ipinaliwanag naman ni Inciong na ang kakulangan sa suplay ng manok ay dahil sa COVID-19 pandemic, problema sa produksiyon, at maging ang Disrupted Supply Chain.

Napag-alaman na nagkukulang ng suplay ng manok ang ilang fast food chains dahil sa maliliit at kulang na sa timbang na mga manok na available ngayon sa bansa.

Epekto umano ito ng pagtaas ng presyo ng feeds kaya nahihirapang bumili ng de kalidad na patuka ang mga raiser.

Ilang sangay ng fast food chains ang wala umanong ibinebentang manok dahil hindi pasok sa kanilang quality standards ang suplay ng manok ngayon.