BUKOD sa layuning magtatag ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFW), pangunahing adhikain ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na mawakasan ang “ENDO” o end contract na ginagamit ng mga employer para hindi magkaroon ng seguridad sa trabaho ang mga manggagawa.
“Sa pagdiriwang natin ng Araw ng Manggagawa, buong puso kong ipinararating ang pagsuporta sa hangarin ng milyon-milyong Filipino na nag-sisikap araw-araw upang maiangat ang pamumuhay ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng kanilang ibayong paghahanapbuhay, dedikasyon at sa-kripisyo dito sa ating bayan o sa ibayong bansa,” ayon sa senador mula sa Mindanao.
“Ang paglikha ng hiwalay at natatanging Department for Overseas Filipino Workers ay nananatiling isa sa mga lehislatibong prioridad ko, kapantay sa kahalagahan ng pagnanais kong matugunan ang nakasanayang “Endo”,” diin ni Pimentel. “Ang proteksisyon ng mga manggagawang Filipino laban sa mga hindi makatarungang kompetisyon ng mga dayuhan ay kabilang din sa talaan ng aking mga prioridad bilang isang mambabatas at kinatawan ng taong bayan”
Nangako rin si Pimentel na kikilos upang maipatupad ang sapat na suweldo para sa disenteng pamumuhay ng lahat ng manggagawa sa ating bansa.
“Kabilang tayo sa pinagsama-samang mga balikat ng mga uring manggagawa. Ang pinakamaliit kong magagawa upang maibalik at makilala ang inyong hindi makasariling pagkilos ay matulungan kayo, bilang inyong tagapaglingkod publiko, sa pakikipaglaban para sa isang maayos at sapat na suweldo at ang mapaunlad pa ang mga batas upang maprotektahan ang kapakanan ng manggagawang Filipino,” dagdag ni Pimentel. “Mabuhay ang manggagawang Filipino!”
Comments are closed.