HINDI na bago sa ating mga Pilipino ang kaliwa’t kanang batikusan sa politika gayong nalalapit na ang buwan ng Mayo kung kailan muling gaganapin ang botohan ng mga bagong lider ng ating bansa.
Bago pa man kasi sumapit ang opisyal na paghahayag ng interes sa pagtakbo sa mga lokal at nasyonal na posisyon ay nauna nang magsimula ang siraan ng mga kapwa kandidato na noon pa ma’y paborito na nilang teknik upang sila at hindi ang mga kalaban ang maluklok sa puwestong kanilang hinahangad.
Sa kabila nito, habang ang karamihan ay nagbabatuhan ng mga maaanghang na diskusyon sa social media o sa mga tradisyunal na media ay kapansin-pansin ang kampo ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na mas itinutuon ang kanilang sarili sa isang “developmental campaign” o isang istratehiyang ang layunin lamang ay ihayag at ipaalam sa publiko ang kanilang mga plataporma at programa para sa bansang Pilipinas.
Magmula noong pormal na binuksan ng Commission on Elections o COMELEC ang filing ng candidacy para sa botohan sa Mayo 2022 ay hindi natin narinig ang kampo ni Marcos na pumatol sa mga paninira ng ibang mga kapwa kandidato o mga partido, bagkus ay panay lamang sila pakikipag-ugnayan sa masa upang ipaalam ang kanilang mga plano para sa ating bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng kampo ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez sa kanyang pinakahuling panayam, mas pinili ng kanilang grupo na isantabi na lamang ang pakikipagpalitan ng mga maaanghang na salita sa kanilang kapwa kandidato dahil hindi naman ito kailangan, bagkus ay itutuon na lamang ang kanilang pansin sa pagpapaalam ng kanilang programa para sa mga Pilipino.
“Unless we unite e mahihirapan tayo doon sa nation-building na ating pinananawagan,” ani Rodriguez.
“What presidential aspirant BongBong Marcos is offering to the Filipino people is his unifying brand of leadership. He does not and will not engage in negative and hateful campaigning,” dagdag pa nya.
Bukod pa rito, mas nais umano ng kampo ni Marcos na gamitin ang social media sa kanilang kampanya dahil mas direkta nilang naihahayag ang kanilang layunin sa mga tao.
Maaaring napakaaga pa upang magbigay ng konklusyon, ngunit tila ang developmental campaign strategy ng kampo ni Marcos ang naging daan kaya naman ang presidential aspirant ay palaging nangunguna sa mga presidential survey. Marahil isa rin itong patunay na hindi na ang “toxic campaign” ngayon ang mabisang paraan upang mangampanya.
Katulad ng teknolohiya, kailangan nating umangkop sa kung ano ang mas kinakailangan ng mga mamamayan—at ito ay walang iba kundi ang ating mga plataporma at mga programa na naglalayong magpaunlad ng ekonomiya ng Pilipinas at magpaganda ng kanilang pamumuhay.
Lalo na sa panahon ngayon kung saan hindi lamang ang ating pisikal na kalusugan ang apektado ng pandemyang dulot ng COVID-19 kundi pati na rin ang ating mental na kalusugan, ay mas lalo lang nating dinadagdagan ang stress sa ating mga kapwa kung ating paiiralin ang negative o toxic campaigning.
Higit na mahalaga na mayroong malinaw at matatag na mensahe ang mga lalahok sa halalan dahil dito makikita kung gaano ka-solido ang kanilang mga plataporma, at kung karapat-dapat ba silang umupo sa mga ninanais nilang posisyon. Sa aking pakiwari, ang pagpapairal sa negative campaigning ay mas nagpapakita kung gaano kauhaw sa pwesto ang isang kandidato.
Developmental campaign ang ating kailangan, at ang pagpapakita ng propesyunalismo sa pananalita at sa gawa. Kailangan nating malaman ang mga plano sa post-pandemic recovery, hinahangad para sa ekonomiya, kung papaano palalakasin ang kalakalan at mga negosyo, kung paano gagawa ng maraming trabaho, at higit sa lahat, kung paano palalakasin ang ating healthcare system na ngayon ay higit na nangangailangan ng suporta ng gobyerno.