INANUNSIYO ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang 14-member team na sasabak sa Asian Volleyball Confederation Cup for Women na nakatakda sa August 21 sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ang koponan ay binubuo ng 12 players mula sa National University—Ivy Lacsina, Mhicaela Belen, Shaira Jardio, Evangeline Alinsug, Cess Robles, Sheena Toring, Jen Nierva, Nicole Mata, Alyssa Solomon, Camilla Lamina, Kamille Cal at Joyme Cagande.
Kabilang din sa koponan, ayon kay PNVF President Ramon ‘Tats’ Suzara, sina Jelai Gajero ng California Precision Sports at Trisha Genesis ng Akari.
Ang Akari ay sumusuporta sa paglahok ng koponan sa AVC Cup for Women kasama ang PNVF partners Rebisco at PLDT.
Pinili ng women’s national team coaching staff, sa pangunguna nina Brazilian Jorge Edson Souza de Brito at assistant coaches Karl Dimaculangan at Cherry Macatangay ang mga miyembro matapos ang serye ng tryouts at scouting. Nasa coaching staff din sina trainer Jerome Guhit at physical therapist Grace Gomez.
Bilang bahagi ng paghahanda para sa AVC Cup for Women, ang koponan ay maglalaro sa Premier Volleyball League Invitational Conference semifinals, kung saan lalahok din ang Chinese-Taipei club KingWhale.
Ang nationals ay sasalang kontra Creamline sa Lunes sa Mall of Asia Arena.
Siyam sa top Asian teams— kasama ang Pilipinas bilang ika-10 koponan bilang host—ang lalahok sa ika-7 edisyon ng torneo, na orihinal na nakatakda noong 2020 ngunit nakansela dahil sa coronavirus pandemic.
Ang Pilipinas ay nasa Pool A kasama ang reigning champion China, South Korea, Iran at Vietnam. Ang Pool B ay kinabibilangan ng 2018 runner-up Japan, Thailand, Kazakhstan, Chinese Taipai at Australia.
Ang preliminaries ay nakatakda sa August 21-25 kung saan makakaharap ng bansa ang Vietnam sa August 21, China sa August 23, Iran sa August 24 at South Korea sa August 25.
Ang top five teams mula sa bawat pool ay uusad sa knockout quarterfinals na nakatakda saAugust 27 habang ang semifinals ay sa August 28 at ang qualification matches at final sa August 29.
Ang mga player para sa AVC Cup ay sina Jelaica Gajero (CPS), Trisha Mae Genesis (Akari),Ivy Keith Lacsina (NU), Mhicaela Belen (NU), Shaira Jardio (NU), Evangeline Alinsug (NU), Princess Robles (NU),Shena Toring (NU), Jennifer Nierva (NU), Nicole Mata (NU), Alysa Solomon (NU),Camilla Lamina (NU), Kamille Cal (NU), at Joyme Cagande (NU).