KORYENTE AT KABUHAYAN, SAAN MANG DAKO AY KAILANGAN

Joe_take

GAANO man kahusay ang namamahala sa bansa, at gaano man kahitik sa likas na yaman ang Pilipinas, hindi pa rin kakayanin ng pamahalaan kung ito lamang ang magsusumikap na maibangon at muling palaguin ang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng pandemya.

Ito rin ang dahilan kung bakit mula’t sapul ng pangangampanya, hanggang sa makaupo sa puwesto, unity o pagkakaisa ang isinusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Mismong sa mga talumpati niya ay binibigyan niya ng pagkilala ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

Ang Meralco, bilang pinakamalaking electric distribution utility sa bansa, ay kaisa ng pamahalaan sa muling pagpapalago sa ekonomiya. Batid nito ang napakahalagang papel na ginagampanan ng serbisyo ng koryente sa kaunlaran kaya limitado man ang lugar na nasasakupan ng prangkisa ng kompanya, hindi naman ito naging hadlang upang makatulong sa pagkamit sa total electrification ng Pilipinas.

Ayon sa World Bank Global Electrification Database na siyang ginagamit sa pagbabantay ng progreso kaugnay ng United Nations (UN) Sustainable Development Goal (SDG) 7 o ang Energy Progress Report, nasa 96.84% ng ating populasyon noong 2020 ang may serbisyo ng koryente sa bansa.

Bagaman mataas na ang porsiyentong ito, mayroon pa ring mangilan-ngilang Pilipino ang nananatiling walang access sa serbisyo ng koryente.

Sa pamamagitan ng One Meralco Foundation (OMF), ang sangay nito na nangangasiwa sa mga proyekto at programa ng kompanya na may kinalaman sa pagtulong sa mga komunidad, naglulunsad at nagpapatupad ang Meralco ng iba’t ibang inisyatiba upang mapailawan ang mga liblib na lugar sa bansa na hindi na abot ng power grid ng Pilipinas.

Isa sa mga programa ng OMF ang Light Up Pilipinas, isang solar lamp donation program na naglalayong mabigyan ng access sa koryente ang mga residente sa mga malalayong barangay sa bansa gamit ang mga solar lamp.

Gamit ang inisyal na pondong nagkakahalagang P1.8 milyon mula sa donasyon ng mga corporate customer ng Meralco at ng mga empleyado nito, layunin ng OMF na magpamahagi ng higit 3,600 na solar lamp sa mga off-grid na komunidad sa bansa ngayong taon.

Ilan sa mga natulungan na ng programa ang 300 na residente mula sa munisipalidad ng Morong, Abucay, Orani, Mariveles, at Bagac sa Bataan kung saan kabilang din ang mga katutubong Aeta sa nabigyan ng solar lamp.

Namahagi rin ng mga solar lamp ang OMF sa Camotes Island sa Cebu kung saan nasa higit 570 na pamilya mula sa coastal na munisipalidad ng San Francisco, Tudela, Poro, at Pilar ang nakatanggap nito. Umabot na rin sa probinsya ng Bukidnon kamakailan ang programa kung saan namahagi ng higit 700 na mga solar lamp ang OMF sa 10 barangay sa mga munisipalidad ng Pangantucan, Maramag, at Valencia.

Sa pamamagitan ng programang ito, nakaiiwas na ang maraming pamilyang walang serbisyo ng koryente sa paggamit ng mga ilaw at lampara na gumagamit ng kerosene na siyang mapanganib sa kalusugan. Nakatutulong din ang solar lamp sa kabuhayan ng mga residente lalo na sa mga magsasaka at mangingisda dahil mayroon itong strap at maaaring gamitin bilang head lamp.

Hindi lamang mga pamilyang walang access sa serbisyo ng koryente ang natutulungan ng electrification program ng OMF. Maging ang mga paaralan na matatagpuan sa mga liblib na lugar sa bansa ay nakikinabang dito sa pamamagitan ng school electrification program na sinimulan ng OMF noong 2011.

Sa ilalim ng programa, pinapailawan ng OMF ang mga paaralan gamit ang solar power. Kinakabitan nito ng solar photovoltaic (PV) system ang mga bubong ng paaralan. Sa kasalukuyan, umabot na sa 285 na paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang napailawan ng OMF. Umabot na rin sa kabuuang kapasidad na 3-kilowattpeak (kWp) ang naikabit na solar PV system sa mga paaralang natulungan ng programa.

Bukod sa pagkakabit ng solar PV system, namamahagi rin ang OMF ng mga learning equipment sa mga paaralan gaya ng mga printer-scanner, laptop, at 43” na telebisyon na talaga namang naging kapaki-pakinabang sa mga guro lalo na noong ipinatupad ng pamahalaan ang remote learning system bilang tugon sa pandemyang COVID-19.

Naging malaking tulong din sa pagpapalago ng kabuhayan ang electrification program ng OMF. Isa sa mga komunidad na natulungan ng programa ang mga katutubong T’boli sa Brgy. Klubi ng Lake Sebu sa South Cotabato. Sa tulong ng OMF, nagiging mas madali na para sa mga kababaihang T’boli ang paggawa ng T’nalak na hindi lamang bahagi ng kanilang tradisyon kundi nagsisilbi rin bilang kabuhayan ng mga ito.

Ang T’nalak ay isang telang hinahabi nang mano-mano ng mga kababaihang T’boli. Alinsunod sa tradisyon, ito ay ginagawa nila pagpatak ng dilim hanggang madaling araw. Ito rin ang dahilan kung bakit nakilala sila bilang “dreamweavers”.

Upang matulungan ang mga katutubong T’boli na mapaunlad ang kanilang tradisyon at kabuhayan, namahagi ang OMF ng solar-powered na home lighting kit sa mga ito. Ang nasabing kit ay naglalaman ng solar panel, tatlong LED na ilaw, at lithium na baterya na may kapasidad na tumagal nang 12 na oras. Ito ay portable kaya maaaring maitabi sakaling may paparating na bagyo.

Para sa Meralco, hindi sapat na ang higit 7.5 milyong customers nito ay may access sa maaasahang serbsiyo ng kuryente. Tama si PBBM, walang sinuman ang dapat mapag-iwanan, iyan ang tunay na kahulugan ng pagkakaisa. Kaya naman magpapatuloy ang Meralco at ang OMF sa pakikipagtulungan sa pamahalaan at sa mga kapwa nito miyembro ng pribadong sektor upang balang araw, maging ang pinakamalalayo at pinakamadidilim na kasuluk-sulukan ng bansa ay magkaroon na ng liwanag at mabibigyan ng pagkakataong maiangat ang antas ng kabuhayan.