KUMALAS SA TRADISYON NG TRIBU, NAG-ARAL, NAG-TESDA… NAGTAGUMPAY!

PAANO kumalas sa tradisyon ng kanilang tribu ang isang katutubo upang mag-aral at  mabago ang kanyang buhay sa tulong ng mga taong nagmalasakit sa

kanya at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)?

Ito ang kuwento  ni Eldy Tandangan, 30-anyos, isang katutubo na kabilang sa Matigsalug  tribe na matatagpuan  sa kabundukan sa pagitan ng mga lalawigan ng Davao at Bukidnon. Sila ay orihinal na nakatira sa Salug River na ngayon ay kilala na bilang Davao River. Ang kanilang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng palay, mais, kamoteng kahoy at iba pang mga root crops at gulay.

Ayon kay Eldy, sobrang hirap ng buhay nila  noon  dahil ipinagbubuntis  pa lamang siya nang magkahiwalay ang kanyang nanay at tatay. Pinalaki silang apat na magka-kapatid ng kanilang nanay at sa sobrang kahirapan ay  hindi sila nakapag-aral.  Sa kanilang apat, siya lamang ang nakapag-aral.

“Ang bahay namin ay gawa sa kawayan, kugon ang atip at walang kur­yente. Ang ginagamit na­ming ilaw ay gasera,” ani Eldy.

Sa kanilang tribu, bihira  umano ang nakakapag-aral dahil bata pa lang ay  pinag-aasawa na sila sa pamamagitan ng “arrange marriage” na inaayos ng kani-kanilang mga magulang.

“Tradis­yon ang ‘arrange marriage’ sa aming tribu.   Halimbawa, kung magustuhan ka ng isang magulang na may anak na babae o lalaki, kakausapin nila ang magulang ng lalaki o babae para sila na ang mag-aasawa ,” paliwanag ng mahiyaing si Eldy.

Hindi umano siya sumunod sa nasabing tradisyon, “naiisip  ko kasi na  mas ma-hirap na mag-asawa kasi ‘di ka nakapag-aral at wala kang trabaho.  Ako mismo ang nag-decide, puwede namang   tumanggi.  Naisip ko na magsisikap ako para makapag-aral.”

Aniya,  dumalo siya sa isang ‘brigada balik-eskuwela’ sa  Marahan West  Elemen-tary School  noong 2006 kung saan nilapitan umano siya ng principal na si Willy Gunyabo at kina­usap siya kung gusto niyang mag-aral.

“Eldy bata ka pa, gusto mong mag-aral?  Kung gusto mong mag-aral punta ka sa opisina ko  bukas. Ako ang bahala sa iyo, ililibre kita, wala kang gastos,” pahayag umano ni  Bonyabo kay  Eldy  kung  kaya  muli siyang nakapag-aral sa elementarya. Aniya, 18-anyos na siya noon.

Pagkatapos ng ele­mentarya kinuha siyang katuwang sa bukirin ng kapatid ni Engr.  Ernesto S. Nadera, supervi­sing TESDA specialist at pinag-aral siya ng high school.  Siya ay nag-aral at nagtapos sa Marilog National High School noong 2012 sa edad na 24.

Pagkatapos  ng high school ay pinag-aral  naman siya ni Engr. Nadera  sa TESDA, kung saan kumuha at nagtapos siya ng kursong  Agriculture Technology NC ll sa  loob ng isang taon.

Aniya, pagka-graduate sa TESDA, kinuha siyang  staff o caretaker sa  RTC Korea- Philippine (Kor-Phil) Vocational Training Center sa Davao City, ang  vocational school ng TESDA Region Xl kung saan  doon  din siya  nagtapos.

Sa ngayon ay natutulungan na nito ang kanyang nanay at mga kapatid mula sa kanyang tinatanggap na sahod sa RTC Kor-Phil Vocational Training Center, nakabili na siya ng motorsiklo at napa-yero na nito ang bubong ng kanilang bahay.

“Nakabili na ako ng motor.  Nagmo-motor na ako kung  umuuwi sa amin,” masayang pahayag nito.

Gayunpaman, hindi pa dito nagtatapos ang ­pangarap ni Eldy.  “Gusto ko pang  mag-aral, mahirap talaga kung ganito ka lang, ’pag mag-apply ka ng ibang trabaho, hanggang laborer ka lang.  Gusto ko naman maging propesyonal,.  Gusto kong magka-diploma course”.

Balak  umano niyang kumuha ng education course, dahil gusto niyang maging tit-ser upang pagbalik  niya sa kanilang tribu ay  matuturuan nito ang kanyang mga kasamahan.

Malaki umano ang naitulong sa kanya ng TESDA upang magkaroon siya ng tiwala sa sarili.  Naging  mataas na ang pagtingin sa kanya ng  mga ka-tribu matapos siyang mag-graduate sa TESDA at makakuha ng magandang trabaho.

 

 

 

Comments are closed.