KUMIKITA KAHIT ‘DI NAKAKAKITA

SA kabila ng kanyang kapansanan at mapait na karanasan mula sa kamay ng kanyang pamilya, dinanas na hirap, pang-aapi at pambu-bully noong kanyang kabataan, sinisikap ng isang tech-voc graduate na may kapansanan sa paningin, na maging huwaran at inspirasyon para sa mga kabataan, makatulong sa komunidad, lalo na sa mga street children at mga disabled na nawawalan nang pag-asa sa buhay.

Ito ang kuwento ni Mark Lester Baligwat Artocilla, 24-anyos, taga Buruanga, Aklan,   nagtapos  noong

Mark Lester Artocilla
Mark Lester Artocilla

2016 ng Massage Services NC ll,  bilang scholar ng Technical  Education and Skills Development Authority (TESDA) sa St. Gabriel College, isa sa mga accre­dited technical-vocational (tech-voc) schools ng ahensiya, ngayon isa nang home service massage therapist at magaling na preacher.

Isa siya sa  apat na ginawaran ng  parangal ng TESDA bilang successful person with disability (PWD) technical vocational education and training (TVET) graduate noong July 17, 2018 kasabay ng pagdiriwang ng 40th National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week sa San Mateo, Rizal.

“Totally blind na ako ngayon, pero hindi siya inborn,” paglalahad ni Mark Lester.

Bago ang nasabing tagumpay, ikinuwento ni Mark Lester ang kanyang masaklap at mapait na  mga pinagdaanan mula sa paghihiwalay ng kanyang mga magulang noong 3-anyos pa lamang siya, namatay ang kanyang ina nang 7-­anyos siya at pagpapalayas at pag-aabandona ng kanyang lola noong siya’y 9-anyos at unti-unti nitong pagkabulag. Tatlong beses din siyang nagtangkang magpakamatay.

“Pinalayas ako ng lola ko, noong 2004, nakarekober ako 2013.  Siyam na taon akong palaboy-laboy.  Habang bumabagyo nasa waiting shed lang ako, batang lansangan. Maliban po sa kailangan  kong  maghanap ng matutulugan at makakain, kailangan ko ring magtago, kasi kapag  nakita ako ng lola ko, hahambalusin po talaga n’ya ako,” pagbabalik-tanaw ni Mark Lester.

Habang nasa lansangan, naimpluwensiyahan umano siya ng mga barkada, sa edad na 9-anyos, umiinom na siya ng alak at naninigarilyo.  ­Aniya, hindi naman n’ya gusto ang kanyang mga bisyo, tiniis n’ya lamang ito upang makalimutan ang kanyang problema at  hindi maramdaman ang  kumakalam na sikmura.

Kahit palaboy, hindi nagawa ni Mark Lester na mamalimos. Nangangatok siya sa mga bahay-bahay at nag-aalok ng serbisyo tulad ng pag-iigib ng tubig, at ang bayad ay pakakainin siya.

“Doon na unti-unting lumabo ang paningin ko kasi sa murang edad bumubuhat  na po ako ng mga mabibigat  at hinahambalos ako ng lola kung saan-saang parte ng katawan at posibleng sa paglalasing ko,” dagdag pa nito.

Kamakailan ay nagreconcile at humingi na siya ng sorry sa kanyang lola.

Kahit totally blind na siya, hindi  umano siya tumitigil para buhayin ang kanyang sarlili, sumasama siya sa pangingisda, nagkokopra at minsan nagko-compose  ng mga kanta para sa mga kandidato.

“Ayaw ko pong pabigat kasi gusto ko pong maging blessing kahit bulag ako.”

Taong 2013, 19-anyos siya nang makilala ang pastor na nagpakilala sa kanya kay Lord at nagpabago sa kanyang buhay hanggang sa mag-TESDA siya.

Noong una ay nagdalawang isip si Mark Lester  na mag-aral sa TESDA dahil Grade 1 lang ang kanyang natapos at ang pagkakaalam niya high school graduate lamang ang tinatanggap sa TESDA.

Naisip niyang mag-TESDA dahil mahilig siyang magmasahe at isa ito sa serbisyo na kanyang inaalok para kumita subalit walang nagtitiwala dahil  sa kakulangan ng formal ­training.

Sa tulong ng kanyang mga instructor, kaibigan, classmates at ng pastor, matagumpay siyang nakapagtapos ng kanyang Massage Services NC ll.

Malaki ang nabago sa kanyang buhay mula nang mag-tec-voc, “dati walang nagpapamasahe sa akin, mga magsasaka lang kasi wala sa aking nagtitiwala, ngayon ‘yong  mga nagpapa-massage, attorney, doctor, nurse, teachers.  May tiwala na sila kasi alam nila meron na tayong proper training at NC ll galing TESDA.”

Pangarap niyang makatapos ng kolehiyo, kasalukuyan ay nag-aaral siya sa pamamagitan ng alternative learning system (ALS) at nagsisimula na siyang mag-aral ng braille para makapagbasa na siya.

“Ini-encourage ko talaga ang mga kabataan, hindi lang mga kabataan  kahit sino basta  kaya nila.  Kung pursigido sila, magiging daan ito sa pag-asenso, kung naging effective nga sa akin sa sitwasyon ko na hindi ako makakita, what if sa mga kumpleto. Wala pong imposible sa mga taong pursigido,”

Kung dati, isang beses siyang  nakakain sa loob ng 3 araw, ngayon  kumikita siya nang higit pa sa kanyang pangangailangan.

“Naa-amaze po ako kasi ginamit talaga ni Lord ang TESDA para maayos ang buhay ko at makatulong din ako  sa iba,” pagwawakas ni Mark Lester.

Comments are closed.